DAPAT BUWAGIN na ora mismo ang Task Force React ng Bureau of Customs. At pagkatapos mabuwag, kinakailangang magsagawa ang Senado ng malalim na imbestigasyon tungkol sa malawakang mga katiwaliang kinasangkutan nito partikular na sa rice smuggling.
Ang Task Force React ay binuo ni BoC Commissioner Ruffy Biazon para tumugis ng mga bigtime smuggler sa mga pier. Ang grupong ito ay nasa direktang pamamahala ng Office of the Commissioner na ang mga miyembro ay personal na pinili ni Biazon.
Pero ayon sa aking A1 source, ilan sa mga miyembro nito ay nanghuhudas at nagsisilbing “mata at tenga” ng mga bigtime smuggler. Madalas, ang mga taong ito raw ay nambabraso pa ng mga operatiba ng iba’t ibang unit ng BoC para maipuslit palabas ng mga pier ang mga naa-alert na kontrabando.
Isa lamang sa mga halimbawa raw ay ang insidente noong Huwebes ng gabi, February 28, na naisulat ko sa espasyong ito noong Lunes, March 4. Sa nasabing artikulo, binanggit ko ang tangkang paghuli ng mga operatiba ng Customs Police sa 32 containers na naglalaman ng mga smuggled rice sa Manila International Container Port (MICP).
Pagkatapos matukoy ng mga operatiba ang mga container number at magpapirma ng alert order kay Biazon, hinarang sila umano ng ilang mga kawani ng OCom at pinagsabihang wala munang magaganap na alert sa gabi lamang na iyon. Dahil dito, nakapuslit ang nasabing 32 containers.
Sa aking pakikipagpanayam kay Biazon sa programang Wanted Sa Radyo noong Biyernes, March 1, binanggit ko sa kanya ang tungkol sa ginawang pagharang ng kanyang mga tauhan sa OCom para ‘di niya mapirmahan ang pag-alert sa 32 containers.
Sa panayam na iyon, nangako si Biazon na paiimbestigahan niya ang nasabing insidente. Pero ayon sa source, ang mga unang dapat na kausapin ni Biazon – bago siya magsagawa ng imbestigasyon, ay ang mga tauhan niya sa Task Force React na sina Atty. Geniefelle Lagmay at Rico Reyes.
Ang dalawang ito raw ay tiyak na makatutulong kay Biazon sa gagawin niyang imbestigasyon.
IN FAIRNESS kay Biazon, puwedeng binubulag siya ng kanyang mga tauhan sa OCom partikular na sa Task Force React.
Maaaring nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng ilang mga miyembro ng Task Force React para harangin ang mga pinapipirmahang alert order sa kanya. Ibig sabihin – sa kanyang likuran – ang ilan sa mga kasapi ng grupong ito ay gumagawa ng desisyon para sa OCom nang ‘di niya alam.
Kung seryoso si Biazon – at ‘di siya nagkukunwari lang – na puksain ang talamak na smuggling, ang una niyang dapat gawin ay imbestigahan ang sa akala niyang mga tauhang kanyang napagkakatiwalaan sa loob mismo ng Office of the Commissioner. Ilan kasi sa kanila ay nanghuhudas na. Bakit hindi niya ipa-lifestyle check ang lahat ng miyembro ng Task Force React?
Noong February 21 ng gabi, tatlong container – TGHU 1530321, TGHU 1538404 at EOLLU 8838342 ng Classical Star – ang nasakote ng Customs Intelligence & Investigation Service na naglalaman ng mga smuggled rice sa MICP.
Tinangka rin sanang harangin daw ito ng ilang miyembro ng Task Force React. Ngunit dahil ang mahigit 27 pang mga container na mga kasamahan nito ay nakalusot, kaya hindi na nag-alburoto pa ang grupo at pinagbigyan na lang nila ang mga taga-CIIS na ituloy ang pag-alert sa 3 containers.
Pero sinabi raw ng mga taga-Task Force React sa mga taga CIIS na hindi puwedeng mai-press release ang 3 huling containers dahil ang may-ari ng mga kargamentong ito ay “hindi raw talo”.
Ang tinutukoy ng grupo na “hindi talo” ay si alyas Joel – ang sinasabing bigtime smuggler ng mga bigas. Siya rin ang itinuturong may-ari ng 32 containers na hinarang ng mga taga Task Force React noong February 28 para hindi ma-alert ng mga taga-Customs Police.
Shooting Range
Raffy Tulfo