KAMAKAILAN LANG gumawa ako ng listahan ng land extreme activities na dapat n’yong ilagay sa inyong checklist ngayong malapit na ang bakasyon. Para sa akin, mas buwis-buhay ang mga ito kaysa sa land activities gaya ng mountaineering, mud karting at sand surfing. Kahit mas buwis-buhay man ang aking mababanggit maya-maya, mas masaya naman ito at mas magpakukumpleto ng pagiging tao mo sa mundong ito dahil ang mga air activities na iyon ay tipo bang “once in a lifetime activities” na kapag nagawa mo kahit isang beses lang sa buhay mo, solve na solve ka na at maipagmamalaki mo na ito sa lahat.
Anu-ano nga ba ito?
- Zipline
Hindi na bago ang zipline para sa atin. Ito ay isang air activity kung saan ibibitin kayo nang pahiga o paupo sa lubid na nagkakabit sa dalawang bundok na magkahiwalay. Panigurado na noong kayo ay nag-field trip noong highschool o elementary, nasubukan n’yo na ito. Kaya, hayaan n’yo ako na ilagay sa next level ang magiging karanasan n’yo sa zipline. Bakit hindi n’yo subukang mag-zipline sa Lake Sebu sa may South Cotobato. Ito na nga ang may pinakamataas na zipline sa Southeast Asia. Pitong waterfalls lang naman ang iyong madaraanan, pero sa sobrang ganda ng tanawin na iyong makikita, mapapawi ng pagkamangha ang takot na nararamdaman habang nakasabit sa lubid na may 600 ft. na taas.
- Skycycling
Magbisikleta sa EDSA kasabay ang mga nagdaramihang kotse, makakausad ka kaya? Magbisikleta sa Commonwealth kasabay ng mga humaharurot sa bilis na mga sasakyan, makakaya mo kaya? Buwis-buhay ang pagbisekleta sa EDSA at sa Commonwealth, pero paano kung sabihin ko sa inyo na magbisikleta sa ere habang lubid lang ang iyong dinaraanan, kaya n’yo ba? Syempre kakayanin! Ito na nga ang bagong trend ngayon, ang skycycling. Masusubukan dito ang lakas ng loob mo habang ibinabalanse ang sarili sa steel cable habang sakay-sakay sa bisikleta. Nakatatakot nga ito sa una, pero kapag kayo ay umandar na, masisiyahan ka na rin.
- Skydiving
Skydiving na nga ang pinakamahal na uri ng extreme activity. Ito rin ang pinakabuwis-buhay sa lahat. Ang mangyayari rito ay tatalon kayo mula sa helicopter na sinasakyan at makararanas ng 30 segundo na free fall habang nina-navigate ang parachute. Kung sa mga cliff diving nga, takot na takot ka na agad, paano pa kaya ang tumalon sa helicopter sa ere? Siyempre hindi mo ito gagawing mag-isa dahil dapat may kasama kang isang professional skydiver na siyang magna-navigate ng parachute ninyong dalawa.
Naniniwala na ba kayo na mas buwis-buhay ang mga air activities na nabanggit ko kaysa sa mga land activities na sinabi ko kamakailan lang? Kaya, bago subukan ang mga ito, humingi muna ng consent mula sa iyong mga magulang at doctor dahil hindi biro ang mga ito. Siyempre, mas importante pa rin ang inyong kaligtasan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo