MAYROON DAW dalawang bagay sa buhay ng tao na hindi maiiwasan. Una ay ang kamatayan at pangalawa ay ang pagbabayad ng buwis. Natural na namamatay ang tao dahil isa tayong organismo na ang mga bahagi ay rumurupok at natutunaw sa haba ng panahon. Gaya ng mga halaman at hayop at iba pang may buhay ay natural na nagtatapos din ang kanilang pananatili sa mundo.
Ang pagbabayad naman ng buwis ay hindi natural sa mundo, bagkus ay artipisyal lang na gawa ng tao dahil sa pangangailangan. Ang sabi ng mga ekonomista, kapag mas mataas daw ang buwis ay malamang na maunlad ang bansa. Gaya ng mga bansang Amerika, Canada at Japan, pawang matataas ang sinisingil na buwis ng mga gobyerno sa bansang ito dahil marami rin silang serbisyong ibinibigay sa mga mamamayan nila. Gaya na lamang sa Amerika na umaabot sa 40% ang income tax at sa Canada naman na halos 50% hanggang 60%, ngunit ang mga bansang ito ay kasama sa mga nangungunang ekonomiya sa buong mundo.
Dito sa Pilipinas ay aabot sa halos 32% ang kabuuang buwis na binabayaran ng mga Pilipino. Kung tutuusin ay malapit na ito sa 40% na income tax sa Amerika ngunit malayo tayo sa yaman ng kanilang ekonomiya. Kaya naman hindi natin masisi ang mga kababayan nating dumaraing sa tuwing matatanggap ang kanilang paycheck dahil masakit sa kalooban ang mabawasan ang perang iyong pinaghirapan at alam mong mapupunta lang sa mga kamay ng mga kurakot na politiko at opisyal ng gobyerno.
AYON SA mga philosopher, mahalaga ang tinatawag na social contract sa isang lipunan. Kung walang social contract ay magiging mala mababangis na hayop ang estado ng ating pamumuhay. Lagi tayong mangangamba sa ating kaligtasan. Ngunit dahil tayo ay may pangangatuwirang hindi gaya ng sa hayop ay natural na bumubuo tayo ng isang social contract. Nagkakaroon tayo ng grupo o organisasyon na mangangalaga sa ating kaligtasan at kayamanan. Dahil dito ay pinagsasama-sama natin ang ilang bahagi ng ating kayamanan para ang ating grupo ay umunlad at magpatuloy sa mga layunin nito.
Dito nakaugat ang pagbubuwis sa gobyerno. Ang sistemang pagbubuwis ay karugtong ng buhay ng isang pamahalaan. Maaaring sabihin na hindi makakakilos ang pamahalaan kung wala itong pondo mula sa koleksyon ng buwis. Lahat ng mga serbisyong publiko ay mahihinto kung walang pera ang pamahalaan para pondohan ito. Tama rin na isiping ang mga mamamayan ang tunay na boss ng pangulo dahil ang mga tao ang nagpapasuweldo sa kanya at sa lahat ng kawani ng gobyerno. Ang mga buwis din ng mga tao ang nagpapagalaw ng pamahalaan kaya tao ang tunay na boss at hindi ito metaphor lamang.
Lahat ng tao sa mundo ay nagbabayad ng buwis sa iba’t ibang pamamaraan. Ang mga mamamayan ng ilang Arab States ay pinagpalang hindi sinisingil ng income tax ng kanilang gobyerno dahil sa natural na yamang mayroon ang kanilang bansa. Tama lang isipin at igiit na obligasyon ng bawat mamamayan ang magbayad ng buwis na naaayon sa itinatakda ng batas. Ang bawat isa ay nakikinabang nang direkta o hindi man direkta sa mga proyekto ng gobyerno gaya ng kalsada, patubig, kuryente at maging sa pangkaligtasan.
ANG PAGBABAYAD ni Manny “Pacman” Pacquiao ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay tama lamang at naaayon sa Saligang Batas ng Pilipinas. Gaya ng lahat ng Pilipinong nag-oopisina sa gobyerno man o pribado na binabawasan ng buwis ang kanilang kinita bago pa man ito makarating sa kanilang mga kamay, dapat din lang na bawasan ang kinita ni Manny. Ang halos mahigit sa 200 daang milyong pisong buwis na babayaran ni Pacman ay nakalululang tingnan dahil talagang napakalaking halaga nito. Ngunit kung pagsasamahin ang kita ng mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila ay aabot sa 500 milyong piso ang buwis na iniaambag nila sa pamahalaan. Kung ang mga guro ay walang kawala sa pagbubuwis ay dapat lang na magbayad din ang lahat.
Ang pagbayad ng mga malalaking buwis ng mga mayayaman sa bansa gaya ng mga artista, businessmen, mga abogado at doktor ay nakatutulong para paliitin ang pagitan ng mga mayayaman sa mahirap. Mula sa mga buwis ay dapat ibinabahagi sa mga mahihirap nating kababayan ang yaman ng mga nakaaangat sa buhay sa maraming paraan gaya ng libreng pag-aaral, mga programang pabahay at puhunang pinansyal. Kung mababawasan ang mga koleksyon ng buwis na ito ay lalong mahihirapan ang pamahalaan na matulungan ang mga kapos nating kababayan.
Dapat tayong maging masaya para sa pagbabayad ng buwis ni Pacman sa BIR at hindi dapat manghinayang dahil hindi naman natin pera ‘yung ibabayad niya. Bagkos ay dapat isipin nating mapupunta ito sa ating lahat sa pamamagitan ng mga magagandang programa ng pamahalaan. Ngunit dapat lang nating tiyakin na maayos ang paggastos ng pamahalaan ng mga perang naipon mula sa ating buwis na binayaran. Kailangan nating tiyakin na maayos ang budget na maaaprubahan ng Kongreso para sa taong 2015.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo