“ANONG LEVEL mo na?”
“Pengeng life!”
“Uy, accept mo request ko!”
Kung nabitawan mo na ang mga linyang iyan, malamang adik ka na. Adik na adik ka na sa kinababaliwang laro ngayon, ang Candy Crush Saga! Halos lahat na siguro ng tao ngayon ay naglalaro nito. Paano ba naman kahit saan may makikita kang pumipindut-pindot sa kanilang smartphones? Kahit sa jeep, fastfood, eskuwelahan, opisina, at kahit nga sa MRT at LRT may naglalaro ng Candy Crush.
Mag-aanibersayo pa lang ang Candy Crush Saga mula sa pagkakalabas nito ng King noong Nobyembre ng nakaraang taon pero napataob na nito ang pinakasikat at pinakanangungunang laro sa Facebook, ang Farmville 2. Biruin mo ba naman, 46 milyong katao ang naglalaro nito kada buwan. Kabilang din ito sa Top 7 na pinakanakaaadik na apps sa Facebook!
Sinasabi na kaya ganito na lang kalakas ang dating nito sa mga tao, hindi lang sa bagets kundi pati sa ating mga nanay, tatay, tiyo at tiya dahil ito ay may kakaibang “social impact”. Dahil na rin sa isa itong Facebook apps, puwede mong i-share sa iyong friends ang candy crush fever mo. Sa isang click mo lang, maipo-post mo sa wall mo kung anong level ka na at kung ano ang score mo. Panigurado na mayroon sa friends mo na gustong malamangan ka. Kaya maglalaro rin sila.
Aabot din sa punto na mahihirapan kang makaalis sa isang level kaya sa isang click mo rin, puwede kang mag-request ng additional lives, additional moves mula sa friends mong candy crushers din. Ang maganda rito, puwede kayong magtulungan para makaalis sa napakahirap na level. Lalo na sa mga level na may chocolate na o ‘di kaya sa level na kakaunti lang ang moves na mayroon ka tapos napakaraming obstacles pa.
Siguro sadyang ginawa talaga ang Candy Crush Saga para manggigil tayong lahat. ‘Yung tipong sa sobrang gigil mong makaalis sa napakahirap na level na may lilimang buhay lang, nagagawa mong mandaya sa pamamagitan ng pagpalit ng date settings mo para magkalimang buhay ka ulit. Nakatatawa pero totoo, ‘di ba?
Wala namang masama sa paglalaro ng Candy Crush o ng kahit ano pang apps. Siyempre, kahit papaano matuto rin tayong mag-enjoy sa kabila ng mga stress sa buhay. Pero huwag naman sanang aabot tayo sa punto na wala na tayong ginawa kundi ang mag-Candy Crush lang. Bukod sa mangangalay at magkaka-stiff neck ka riyan, mahahati pa ang oras mo sa mga bagay na dapat mas bigyan mo ng pansin. Alamin ang limitasyon para ang paglalaro ng Candy Crush Saga ay maging tasty, sweet, divine at sugar crush!
Kung kayo ay may mga komento o suhestyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-878836.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo