INAMIN ni Candy Pangilinan nang makausap namin siya sa opisina ng Viva pagkatapos niyang mag-renew ng kontrata sa naturang kompanya na hindi siya dumaan sa tinatawag na denial stage nung natuklasan niyang ang anak na si Quentin ay merong autism.
“Yung totoo, hindi ako dumaan sa denial kasi hindi ko naintindihan kung ano yon. Nung sinabi sa akin na your kid needs occupational therapy, ganyan-ganyan, eh, kakahiwalay ko lang noon.
“Early intervention ang nangyari sa akin kasi 9 months pa lang nagpa-check na ako ng mata ng bata kasi minsan duling, minsan banlag siya. And nung sinabi ng doctor na kailangan niya ng therapy umoo ako kaagad, ‘Sige ho, gawin natin yan. Saan po, kailan?’
“Hindi ko kasi na-realize, akala ko pag nag-therapy eventually gagaling. It’s only after a while do’n ko na-realize hindi pala gumagaling, lifetime pala ito,” paliwanag niya sa amin.
Nag-sink-in lang daw ang lahat sa kanya nung sinasamahan na niya anak sa pagti-therapy nito.
“Nung pumupunta na ako ng therapy at nakikita ko na ang ibang bata, nakikita ko na ang sitwasyon ng ibang magulang, don lang dahan-dahang nag-sink-in sa akin na ay ito pala yon, iba pala ‘to.
“Hindi agad nag-sink-in sa akin kasi nung nasa doctor ako, ang feeling ko, ‘Sige, ano pong kailangan? Game, gawin ho natin yan!’ So hindi ako dumaan do’n sa denial. Dumaan ako do’n sa shock siguro, yung ‘Ah, tapos…’
“Nung nagsi-sink-in na do’n lang ako talaga naiyak. Do’n ko nalabas, yung parang ‘Oh, my gosh!’ At yung iyak kong iyon hindi rin lahat, yung everyday tuwing pumupunta ako sa therapy niya do’n ko lang naramdaman yung burden,” kuwento pa ni Candy.
Samantala, limang taon ang kontratang muling pinirmahan ni Candy sa Viva. After niyang mapanood bilang balahurang madre sa Jowable ay may special participation din siya sa MMFF movie ng Viva na Miracle in Cell No. 7 na pinagbibidahan naman ni Aga Muhlach. Sa pelikulang ito ay gaganap ulit siya bilang madre, pero seryosong madre na raw at hindi balahura.