SA UNANG pagkakataon ay tinalakay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang pagsasa-legal ng paggamit sa ipinagbabawal ng batas na marijuana o kilala rin sa siyentipikong pangalan na Cannabis. Si Isabela Representative Rodolfo Albano III ang author at nagpapanukala ng batas na nagpapahintulot ng legal na pagtatanim ng Cannabis at pagpapagamit nito sa mga may malubhang sakit, kung saan gagamitin ang marijuana bilang gamot, ayon sa kautusan ng doktor na tumitingin.
Ano nga ba ang hangganan ng isang pagsasabatas? Ang pagsasabatas ba ay laging pulitikal ang aspetong sinasandalan? Maaari bang hadlangan ng batas ng siyensya o agham ang isang pulitikal na proseso? Ang isyu ng pagsasa-legal ng paggamit ng cannabis o marijuana ay masalimuot dahil hindi ito katanggap-tanggap sa sector ng mga manggagamot sa ating bansa. Maging ang Department of Health (DOH) ay hindi bilib sa pagsasa-legal ng marijuana.
Nagbabago na nga ba ang panahon? Tila ang mga dating bawal ay hinahayaan na magawa sa ating lipunan ngayon. Ito nga ba ang daloy ng kaunlaran? Ito ba ang kabayaran ng pagbabago at teknolohiya? Ang isyu ng reproductive health law ay naging mahabang usapin dahil sa mga pagsalungat ng bagong batas na ito sa mga kinagisnan nating bawal at hindi pinapayagan sa lipunan. Ngayon ay isang bagong panukalang batas ang isinusulong kung saan ay muling may pagsalungat ito sa itinuturing nating bawal.
NAGING KONTROBERSYAL ang isang panayam kay Albano, na siyang pangunahing nagsusulong ng pagsasa-legal sa paggamit ng marijuana, dahil sa pag-amin niyang gumagamit siya ng ipinagbabawal na marijuana noong kanyang kabataan. Bukod sa paggamit nito bilang sigarilyo o paghithit ng usok ay iniinom din ito at hinahalo sa pagkain gaya ng brownies. Eksperto bilang isang “user” ng marijuana ang kongresista, ayon mismo sa kanya.
Ang gustong puntuhan ni Albano ay hindi naman ito “addicting” gaya ng pangamba ng marami at salungat sa sinasabi ng mga doktor at eksperto. Ayon sa kanyang pagbabahagi ng personal na karanasan bilang malimit na gumagamit noon ng marijuana, hindi siya nagkaroon ng problema sa pagka-“addict” o pagkalulong dito. Gayun pa man, hindi naman niya sinasabi sa panukalang batas na ito na dapat hayaan na ang lahat na gumamit ng marijuana.
Ang paglilinaw ni Albano ay hindi naman nakasama sa kanya ang marijuana kung tutuusin. Ang nais niyang isulong ay ang kabutihang nagagawa nito sa mga taong may sakit at tanging sa cannabis lamang umaasa para sa kanilang ikagagaling batay sa mga doctor na nagsaliksik hinggil sa kapangyarihan ng halamang cannabis para magpagaling ng may sakit.
ANG MGA sakit na Lukemia, epilepsy, at iba pang malulubhang sakit na animo ay walang lunas, ay pawang mga sakit na epektibong napagagaling ng halamang cannabis. Ang isang sumikat na pelikulang banyaga na may pamagat na “Lorenzo’s Oil”, ay isang pagsasapelikula ng tunay na pangyayari sa buhay. Sa pelikulang ito ipinakita na ang isang batang may malubhang sakit ay napagaling gamit ang dagta at langis ng halamang cannabis. Ang ama ni Lorenzo ang matiyagang nag-aral at naghanap sa katas ng cannabis para mapagaling ang kanyang anak.
Hindi rin naman sinasalungat ng siyensya at institusyon ng medisina ang kapangyarihan ng halamang cannabis na makapagpagaling ng mga may malulubhang sakit. Sa katunayan ay maraming bansa sa buong mundo nagpapahintulot sa paggamit ng halamang cannabis bilang gamot at ang iba ay pumapayag din sa paggamit ng marijuana ng mga taong walang sakit sa isang limitado at regulated na paraan. Nagpapatunay lamang ito sa benepisyo na dala ng cannabis na hindi maaaring itanggi maging ng siyensya.
Ngunit sa kabila nito ay hindi rin naman nawawala ang banta sa pagkalulong dito ng isang tao at mga negatibong dala ng paggamit nito sa kanyang isip. Hindi rin ito maaaring ipagwalang-bahala dahil marami na ring mga kaso ng karahasan, kung saan ay konektado ang pagma-marijuana at pagkasira ng buhay ng isang tao dahil sa paggamit nito. Ibig sabihin ay kailangang timbangin nang maigi ng mga mambabatas ang mabuti at masamang dulot ng marijuana.
PARA NAMAN kay Dr. Minerva Calimag, ang presidente ng Philippine Medical Association, hindi umano sagot ang pagsasa-legal ng marijuana sa mga taong may malulubhang karamdaman na nangangailangan ng gamot hango sa halamang cannabis. Ipinunto ni Dr. Calimag na noong taong 1992 pa nang maipasa ang isang batas na nagpapahintulot sa paggamit ng gamot hango sa halamang cannabis o kilala rin sa tawag na “compassionate use of illegal drugs”.
Sa ilalim ng batas na ito ay pinahihintulutan naman ang paggamit ng mga “illegal substance” bilang kinakailangang gamot sa isang pasyenteng malubha ang karamdaman. Hanggang ngayon, ayon kay Dr. Calimag, ay maraming may malulubhang sakit na nakikinabang sa batas na ito.
Ang tanging suliranin sa puntong ito ay dahil ipinagbabawal ang pagtatanim ng cannabis sa ating bansa batay sa ating Saligang Batas, ang mga gamot na hango sa halamang cannabis ay may kamahalan ang presyo dahil inaangkat ito o isang export merchandise. Nangangahulugang hindi kayang bilhin ng mga mahihirap nating kababayan ang gamot hango sa cannabis kaya balewala ang batas na compassionate use of illegal substance. Tanging mga mayayaman lamang ang nabebenepisyuhan ng batas na ito.
Sagot na nga ba ang panukalang batas ni Cong. Albano para sa pangangailangan ng mahihirap na may malubhang sakit? Kung gagawing legal ang pagtatanim ng cannabis sa bansa, paano kaya mare-regulate ito nang tama?
Ang marijuana ay patuloy na illegal na itinatanim sa ating bansa sa kabila ng pagbababwal ng batas sa kasalukuyan. Paano pa kaya kung maging legal na ito? Alalahanin din natin ang mga krimeng nagawa dulot ng pagkalulong at pagkawala sa isip ng isang taong gumamit ng marijuana. Ang mga pagnanakaw, pagbebenta ng katawan ng mga kababaihan, panggagahasa, at pagpatay ay mga krimeng napatunayan nang nagawa dahil sa naapektuhan ang isip ng isang taong labis na gumamit ng marijuana.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo