MAY PART 2 ang pelikulang Isang Araw kung saan kasama ulit sa cast nito si Rey PJ Abellana. Pangunahing tampok dito ang kilalang TV host at newscaster na si Daniel Razon na siya ring scriptwriter at director ng nabanggit na proyekto kung saan kabilang din sina Daria Ramirez, Ritz Azul, Bayani Agbayani, Kier Legaspi, at ilan pang big stars na may cameo role din dito.
“Sa part 1, congressman ako. Ngayon dito sa part 2, senador na ang role ko,” masiglang kuwento ng aktor nang makausap namin kamakailan.
“Eh, si Kuya Daniel is even planning for part 3. Baka Presidente na ang character ko do’n!” sabay tawa na naman niya.
Marami na ang artistang naengganyong pumasok din sa pulitika. Wala bang nanghihikayat sa kanya na maging public servant din?
“May mga offers na sa akin noon. Even si Mayor Pablo Olivares dati, inalok na rin ako na tumakbong congressman sa Parañaque. Pinalilipat na nga ako at ang pamilya ko na tumira na roon. Kasi sa district 2 pala ng Parañaque, wala pang artistang tumakbo roon. Lahat ng mga artistang tumakbo eh, sa district 1. Wala pa ni isa sa district 2, kaya ro’n ako gustong isalang ni Mayor Olivares. Eh, hindi ako naengganyo. Takot ako. Magulo sa politics. Baka ikamatay ko pa ‘yan!” natawang biro pa niya.
“Pero I’m not saying na hindi talaga gugustuhing maging pulitiko. Pero depende kasi na lang ‘yan sa situations. Kung nakikitaan ko ng alanganing situwasyon, ayokong pasukin. Siyempre kailangang pakiramdaman at isipin mong mabuti kung nasa tamang panahon na ba? Kung sa tingin mo, hindi pa eh, huwag muna. Hanggang sa dumating ‘yong right time. Pero kung hindi naman, okey lang. Siguro ibig sabihin lang, hindi ka para sa larangang ‘yan,” sabi pa ni PJ.
Si Geoff Eigenmann na boyfriend ng kanyang anak na si Carla Abellana, hindi niya direktang masabi kung talagang boto siya sa aktor bilang future manugang. Hindi pa raw kasi niya nakikilatis ito nang husto.
“How would I say kung hindi ko nakikita at hindi ko nakakasama ‘yong tao? Kaya nga ang magagawa ko na lang diyan, manalangin na lang na… mapunta sa tama ‘yong anak ko.”
Pero sa tingin daw niya, mukha namang mabait si Geoff. At nakikita rin daw niya na compatible naman ito sa kanyang anak na si Carla.
“Everytime na may function sa bahay, nagpupunta ‘yong dalawa. The last was no’ng Christmas. Nando’n sila pareho.”
May effort ba sa part ni Jeff para mag-bonding sila at maging talagang close sa isa’t isa?
“Close naman siya sa akin. Okey naman siya. Respectful naman sa akin. Although, hindi kasi kami nagkakatiyempuhan na… very seldom ‘yong acquaintances na nagkikita kami.”
Ilang beses nang nasabi dati ni PJ na kung siya ang tatanungin, hindi pa niya gugustuhing mag-asawa si Carla. Gano’n pa man, hindi naman daw siya hahadlang kung sakaling gugustuhin na nito at ni Geoff na magpakasal na.
“Eh, talaga namang gano’n ang magiging ending. Do’n talaga sa pag-aasawa ang kapupuntahan no’n. Carla is 24. Nasa edad na rin, kumbaga.”
Pero parang wala pa rin sa isip ng aktres ang pag-aasawa. Tila sa career o trabaho pa rin ito gustong mag-focus muna sa ngayon.
“Alam ko naman kasi naman na may utak siya, eh. Para ano na cum laude siya kung walang laman ang utak niya,” natawang biro pa ng aktor.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan