NEXT TO Iza Calzado, si Carla Abellana naman ang napapabalitang lilipat na rin daw sa ABS-CBN. Malapit na rin kasing matapos ang kontrata ng aktres sa GMA-7 at usap-usapang baka hindi na raw siya mag-renew dahil may offer ang Dos.
“Hindi ko pa nababasa ‘yong offer ng ABS-CBN. Although I’m aware na meron, hindi ko pa nababasa,” ani Carla nang mausisa namin kamakailan tungkol dito.
Pero nag-meeting na raw sila ng management ng Kapuso Network tungkol sa bagong kontrata para sa kanya.
“Iyon ngayon ang niri-review ni Tito Arnold (Vegafria, her manager). So, gano’n… puro meeting, meeting, meeting. Review, review, review ng kontrata, gano’n. And nag-ask ako for time off na magpahinga after Kung Aagawin Mo Ang Langit. Humingi ako ng ilang linggong pahinga para rin ma-take ko ‘yong opportunity na makapag-isip din ako at ma-clear ko ‘yong head ko. Pero nasabi ko na rin naman, my heart is in GMA. But, I will be honest naman, kaila-ngan kong i-open ‘yong mind ko sa ibang offers. I’m not saying… babay (sa Kapuso Network). Hindi naman. Kumbaga, at this point in my life, ano, eh, kailangan mong i-open ang mind mo. Na, i-consider ‘yong iba, ‘yong plano ng iba, ‘yong offer nila. So, that’s why I asked for some time off para makapag-isip talaga ako. Of course, sabi ko nga, hindi na ako bumabata. Hindi naman ako puwede na teeny bopper forever. Siyempre I’m also thinking about my own future. Security ng future. Eventually, I would want to settle down also. ‘Yong mga gano’ng bagay. So, ang hirap ng… kailangang i-weigh mo ‘yong options mo. Tapos, ang daming kailangang pag-isipan.”
She’s been looking forward daw to work with other leading men.
“Oo naman! Kasi halos buong career ko, si Geoff (Eigenmann, boyfriend niya) ang kapartner ko onscreen, eh. Sa ngayon, sa Kung Aagawin Mo Ang Langit (patapos nang afternoon soap ng GMA kung saan siya ang bida), si Mike Tan. Ang dami-dami pang ibang leading man na gusto kong makatrabaho. At marami pa akong gustong gawin sa career ko. Siyempre gusto kong ipagpatuloy ‘yong drama. Gusto kong mag-try ng comedy. Gusto kong mag-hosting pa sana.
May balita lately na isa raw siya sa pinagpipilian na maging leading lady ni Richard Gutierrez para sa bago nitong gagawing soap.
“Ah, nabanggit naman ‘yon during the meeting with GMA. Isa nga iyon sa parang options na, what they have to offer to me. So, that would be nice also. Working with Richard for the first time.”
Ano naman ang plano nila ni Geoff ngayong Valentine’s Day?
“Baka manood kami ng show. Meron akong nakita na show na lalabas sa Valentine’s na parang theater performance. So, sana mapuntahan namin iyon.”
HINDI RAW inasahan ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Attorney Persida Acosta na darating ang panahong magiging kilalang TV personality siya. Nagsimula ito sa daily appearance niya sa Face To Face ng TV 5 bilang isa sa mga Trio Tagapayo. Kasunod nito ay ang pagkakaroon niya ng sariling programa sa Kapatid Newtork, ang Public Attorni na ngayon ay araw-araw nang napapanood sa Kapatid Network kada 4:30 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Kapag lumalabas daw ngayon in public, magugulat daw siya na talagang marami na ang nakakakilala sa kanya.
Makulay ang success story, galing siya sa isang mahirap na pamilya sa Bataan. Noong bata pa siya, naranasan niyang magtinda ng mga kakanin para lang makatulong sa pamilya.
Pero sa kabila ng kahirapan ay sinikap niyang makapag-aral. Nakatuntong siya ng kolehiyo at nakapagtapos ng abogasya sa pamamagitan ng scholarship.
Wala bang lumalapit sa kanya o nag-aalok na gawing pelikula ang lifestory niya?
“Meron na po. Si Mr. Carlo Caparas. Pero, wala pang pormal na usapan talaga.”
Sino naman ang gugustuhin niyang mag-portray ng kanyang character sakaling matuloy nga ang pagsasapelikula ng buhay niya?
“Puwede pong si Lorna Tolentino. O si Sharon Cuneta. Puwede ring si Nora Aunor. O si Vilma Santos. O kaya si Alice Dixson.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan