DAPAT AY magtatapos na ngayong Biyernes ang My Husband’s Lover. Pero ne-extend na naman ito until next week.
“Since the beginning, ini-expect namin na pag-uusapan siya. Pero hindi namin ini-expect na magiging ganito siya kalaki talaga,” masayang nasabi ni Carla Abellana nang makausap namin kamakailan sa meet and greet event ng buong cast ng pinag-uusapan pa ring primetime series ng GMA-7 na ginanap sa activity center ng Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City.
Nag-promote sila hindi lang ng nalalapit na pagtatapos ng my Husband’s Lover kundi maging ng One More Try: My Husband’s Lover The Concert which will be on this Saturday, October 12, sa Araneta Coliseum.
“Sobrang laki ng following. Sobrang loyal ng fans. Hindi talaga nila kami binitawan since day 1. Tapos, na-appreciate nila ‘yong show namin.”
Ginagampanan niya ang character ni Lally, ang martir na asawa ni Vincent portrayed by Tom Rodriguez na karelasyon din nga ni Eric na character naman ni Dennis Trillo.
“It’s the best soap na nagawa ko. Kasi ito ‘yong pinakana-enjoy ko. Ito ang pinakamalaki. I would say… pinakamagandang material. ‘Eto ‘yon. Kasi more than the actual show itself na naipalabas namin ‘yong ganda, ‘yong relationship naming lahat ng cast, ng crew, at ng staff… iyon ‘yung pinakamami-miss at maaalala ko talaga.”
Isang TV network sa Vietnam ang agad-agad ay binili na ang rights ng My Husband’s Lover. Na ikinatutuwa rin daw ni Carla bilang isa sa cast nito.
“Actually, hindi pa nga ito tapos umere rito sa atin, nagsabi na talaga sila na nagustuhan nila ‘yong show namin. Bumisita pa sila rito. Dinalaw pa nila kami sa set. Tapos binili na nga nila ‘yong rights. Nakakatuwa, ‘di ba? Na hindi pa nga tapos ‘yong show, initeresado na sila. Binili na nila. Actually kilala na namin sila. Kami nina Dennis at Michelle Madrigal, nagpunta kami sa Vietnam para dalawin ‘yong Today TV at saka FM TV nila. So sila rin, same group ‘yong nagpunta rito. Parang reunion namin iyon, kasi kilala na nga naming sila, eh. Kaya nakakatuwa na ang layo pa ng pinanggalingan nila, bumisita lang sila tapos nag-hello. Gano’n.”
Iba ang kultura sa Vietnam. Pero naniniwala raw si Carla na matatanggap din ng audience doon ang tema ng story ng My Husband’s Lover.
“Ay, oo! No’ng nando’n pa lang kami nina Dennis, tinanong namin sa kanila kung okey sa kanila ang gano’ng klase ng konsepto. Sabi nila, okey naman daw. Although marami ring Catholic doon, open-minded naman daw sila. At saka marami rin daw mga beki roon. So… okey raw. Open naman daw ang audience nila para sa My Husband’s Lover.”
Sa sobrang busy ng kanyang working schedule for the past couple of months, nagkakaroon pa ba siya ng oras sa boyfriend niyang si Geoff Eigenman?
“Ay… kawawa!” sabay ngiti ni Carla. “Halos wala na po. Pero hangga’t meron talaga akong oras, sa kanya ko ibinibigay. Siguro in a week, may isang araw naman kahit papa’no na para sa kanya. At saka pagkatapos naman ng My Husband’s Lover, bawi na sa oras, eh. So, malapit na ‘yon.”
Paano niya planong bumawi kay Geoff? Magbabakasyon sila?
“Ah… magbabakasyon ako. Pero with the family first. Pagbalik ko na lang galing bakasyon, at least si Geoff na ‘yong makakasama ko naman. So, may time naman para bumawi. Babawi ako kay Geoff,” nangiting sabi pa ni Carla.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan