LAGI PALANG NAGDADA-LAWANG-ISIP noon si Carla Humphries kung ano ang isasagot kapag tinatanong ng mga kaibigan niya kung ano ang kanyang trabaho. Aminado ang aktres na hindi siya ‘proud’ noon na nasa showbiz siya. Ito raw ‘yung mga panahong ‘one-of-those’ lang siya sa talents ng Star Magic ng ABS-CBN.
“Kasi, ‘di ba, ‘pag nasa showbiz ka parang ang baduy? Some of my friends kasi sa abroad, hindi alam na artista ako rito. Kaya parang medyo hindi talaga ako proud na sabihing artista ako,” pahayag ni Carla.
Pero nagbago ang pananaw ni Carla nang mapasama siya sa Mga Nagbabagang Bulaklak ng TV5, na magtatapos na this week. “Dito kasi parang nagawa ko na ang lahat. Nagpaka-aksyon kami, nag-drama, nagpaseksi, as in, talagang na-test dito nang husto ‘yung pagiging artista namin. Everybody’s happy naman sa naging resulta.
Medyo nakakalungkot lang, kasi, magtatapos na nga siya,” sey pa ng seksing aktres.
Marami ba siyang mami-miss sa kanilang teleserye?
“Marami talaga. Pero ang talagang mami-miss ko ‘yung bonding namin dito. Iba kasi ang naging samahan namin dito,” aniya.
Bumilang din ng ilang taon bago nagpasyang iwan ni Carla ang Star Magic. She is now under Annabelle Rama’s management.
“Si Tita Annabelle, parang anak ang turing niya sa amin. Biglang tatawag na lang ‘yan, ‘Anak, anong ginagawa mo? Sama ka sa akin, magsimba tayo sa Cebu!’ Gano’n. Saka napakamaasikaso niya, lagi ka niyang pakakainin. Kahit anong gusto mo, bibilhin niya sa ‘yo. I am thankful na siya ang manager ko, and it was really a wise decision,” sabi pa ni Carla.
Hindi ba siya naasikaso noon sa Star Magic?
“Hindi naman sa ganoon. I will always be grateful sa Star Magic. Maayos akong nagpaalam sa kanila. Kaya lang, ang dami kasi namin doon. Parang mahirap na mapansin ka,” aniya.
Halos nasubaybayan namin ang pagdadalaga ni Carla, mula sa pa-tweetum na ka-loveteam ni Janus del Prado, na naging boyfriend niya rin, hanggang naging January cover girl na siya ng FHM this year. Pero mula noon at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago si Carla. And we have to say she’s one of the few artists na hindi nagkaka-amnesia.
Lagi naming sinasabi sa aktres na hindi namin makakalimutan ang performance niya noon sa Maalaala Mo Kaya, kung saan gumanap siya na isang pilay.
“Alam n’yo, ‘yung iba ring nakakausap ko, ‘yan din ang sinasabi nila sa akin. Talagang ‘yun daw ang naalala nila sa akin,” nakangiting sabi rin ni Carla.
Ngayong nagpaseksi na siya at tumanggap na ng mature roles, may limi-tasyon pa rin ba siya?
“Hindi naman po ako puwede sa all-out sexy. Saka ayaw rin po naman ni Tita Annabelle nu’n,” pagtatapos niya.
FIRST TIME NAMING napanood ang Totoo TV nina Maverick at Ariel sa TV5 nu’ng Lunes ng gabi. Ang ‘trip’ ng tandem, e mag-substitute sa isang ‘houseband’ dahil Father’s Day presentation ang programa. At ininterbyu din nila ang King of Comedy na si Mang Dolphy.
Nakakaaliw ang dalawa sa kakaibang atake nila sa programa. Tinutukan talaga namin. Para sa amin, refreshing ang dating nina Maverick at Ariel, o dahil sawa na rin kami sa pare-parehong presentation ng mga docu-magazine shows, except for I-Witness, or any documentaries ni Howie Severino.
Dahil puyat-mode na rin naman kami nang gabi na ‘yon, inabangan na rin namin ang ‘signing-off’ ng GMA-7. Gusto naman naming mapanood ‘yung TVC nila ng ating ‘Lupang Hinirang’. Very impressive.
Napaka-cinematic ng direksyon. ‘Yung historical presentation nila is something that will make you proud as a Filipino.
Parang ang weird yata ng trip namin ng gabing ‘yon!
Bore Me
by Erik Borromeo