May panghihinayang sa part ni Carlo Aquino na hindi siya natuloy bilang isa sa cast ng Netflix hit series at trending Korean thriller na Squid Game.
Nagpost kasi ang aktor sa kanyang Instagram account ng short letter mula kay Hwang Dong-Hyuk, direktor ng nasabing Netflix series.
Sa nasabing handwritten note, nagpasalamat si Hwang sa effort ng aktor at umaasa itong makakatrabaho niya si Carlo in the future.
“A handwritten note from a brilliant director. Wooop!! Couldnt be more excited to work with you guys once this pandemic is over,” ani Carlo sa kanyang caption.
Sa IG story ni Carlo ay inamin din nito na dapat ay kasama siya sa “Squid Game.”
“This was supposedly a role for #SquidGame,” saad pa niya.
Ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang paglipad ni Carlo sa Korea ay dahil sa pagkakaroon ng travel restrictions dahil sa covid-19 pandemic.
Kung natuloy ang La Vida Lena star, sasamahan sana ng aktor ang South Korea-based Filipino actor na si Christian Lagahit na isa sa mga 456 players sa serye. Si Christian ay lumabas Episode 4 bilang Player 276.
Patok sa netizens ang bagong Netflix K-thriller na nag-trending pa noong Lunes sa Twitter Philippines. Kabilang din ang 9-part series sa listahan ng top spot sa mismong streaming platform kasama ng Hometown Cha-Cha-Cha at British teen drama Sex Education.