TULAD NG KANYANG dakilang ama, nabilanggo rin pala si Carlo J. Caparas noong bata pa siya.
Dahil sa matinding hirap, naging laman siya ng lansangan at madalas mabagansiya at masubo sa street fighting. Maraming mukha ng buhay ang nai-drawing niya sa lupa,kahit sa mga dahon ng gabi o simpleng tissue paper.Isang regalo mula sa Itaas na naghatid sa kanya ng ibayong grasya na siyang tinatamasa niya ngayon at ng kanyang pamilya.
“Wala akong masyadong pinag-aralan kaya’t bumagsak akong isang security guard sa isang publication,” anya sa isang interview.”May nag-suggest sa akin na mag-apply sa loob dahil nakikita niya akong nagdo-drawing-drawing tuwing tanghali o hatinggabi. Iyon ang naging simula ng mahigit 800 kong nobela sa iba’t ibang komiks.”
Nagbabalik-alaala si Carlo dahil nalalapit na ang showing ng Pangarap kong Jackpot Trilogy movie niya na hango sa matinding hirap na dinanas niya noon. Itinabi muna niya ang intriga tungkol sa pagtutol ng ilang elitista sa pagkakapili sa kanya bilang National Artist dahil sabi nga ng asawa niyang si Donna Villa at dalawang anak na sina CJ at Peachy, mananatili siyang National Artist sa puso at buhay nila, ganu’n din sa lahat ng nagmamahal at sumusuporta sa kanya.
“Ipinakikipaglaban ko na ang aking sarili sa isyung iyan, hahayaan ko namang ipaglaban ako ng iba. Hindi ko puwedeng pabayaan ang pelikulang ito. Una, dahil parang nakikita ko ang aking sarili sa bida kong si Manny Pacquiao. Pinagdrama ko siya rito at nasorpresa ako na marunong siyang umarte. Ganoon din ang sabi ni Donna, humble share namin ito in national efforts para ma-revive ang sigla ng Filipino film industry. Hindi ko rin pinigil ang mga anak ko na lumabas for the first time dahil proud na proud sila habang pinapanood ang unang bahagi ng pelikula,” masayang balita ni Carlo.
BUKOD KAY MANNY, pinaghalo ni Carlo ang mga veteran actors na sina Eddie Garcia, Gina Pareno, Tommy Abuel, Joel Torre, Pen Medina, at sina Jake Cuenca at Maegan Young, Mark Herras, at Baron Geisler.
Isang pasasalamat din ito sa PCSO sa suporta nila sa proyekto. “Tinulungan kami ng ahensya, lalo na sa research ng mga materyales na ginamit dito. Parte kasi ang pelikula ng 75th anibersaryo nila ngayong buwan ng Setyembre.”
Tulad ng istorya ng sariling buhay ni Carlo, tampok sa Sa Ngalan Ng Busabos episode ang kuwento ng isang bata na napilitang makipaglaban sa buhay. Iniligtas siya ng isang pamilyang umampon sa kanya, pero, kailangan pala niyang protektahan at ipaglaban sa masasamang elementong nakapaligid sa kanilang lugar.
Hindi na ikinuwento ni Carlo ang Hiwaga ni Lolo Hugo at Hawak Kita, Hawak Mo Ko episode 2 and 3 pagka’t may sorpresa siyang handog sa mga tao na gustong makaahon sa matinding hirap, tulad niya.
“Habang ginagawa ko ito, ang dami-daming nagbabalik sa aking alaala,” patuloy niya. “Kung mahina-hina ang loob ko, posibleng madali akong magupo sa kasamaan. Buti na lang at kasing-tigas ng katawan ko ang tindi ng pagnanais kong maging masaya naman. Ayokong puro hirap at lungkot ang maranasan ko. May mga magulang at siyam na kapatid na gusto ko ring mapaginhawa.
“Ang karanasan ko kay Donna ay isa ring inspirasyon dahil hindi ko sana siya naabot kung pinanatili ko ang sarili ko sa ibaba. First love ko siya at mula nang maidirek ko sa pelikula, hindi ako tumigil hangga’t hindi siya maging ina ng dalawa kong anak.
BULL Chit!
by Chit Ramos