HANGGANG NGAYON ay kaliwa’t kanan pa rin ang bumabatikos sa pagkakahirang kay Carlo J. Caparas bilang National Artist. May mga nagpetisyon para ipawalang–saysay ang pagkakasama niya sa pitong nahirang na National Artist for 2009. Nag-rally naman ang mga national artist para ipahayag ang kanilang pagtutol na hindi raw karapat-dapat mapabilang si Direk Carlo sa nasabing prestigious award. Nananalangin sila na sana’y tanggihan na lang daw nito ang award na ibibigay sa kanya.
Sinong matinong tao ang tatanggi kung kusang-loob na ibinibigay sa ‘yo nang walang pag-aalinglangan ang mataas na karangalang ito, aber? Kasi nga, nand’yan ang inggit, suwerte ni Carlo, malas lang nila – mamatay kayo sa inggit! Kahit minamaliit at inaalipusta si Direk Carlo, taas-noo niyang tatanggapin nang walang pag-aalinglangan ang prestigious award na mismong si President Gloria Macapagal-Arroyo ang nagbigay.
“Paninindigan ko ang pagiging alagad ng sining, hindi ko na mabilang ang mga taong natulungan ko sa propesyon kong ito. Kung titingnan mong mabuti, hindi naman ako elitista o kasama sa sectorial artists. Malaki ang respeto ko sa kanila, pinapalakpakan ko sila pero ano ang iginanti nila sa akin? Bakit hindi sila maghintay, lahat naman tayo’y darating d’yan. Ako’y naghintay, ‘eto na ngayon ‘yung pinapangarap ko, dumating na. Hindi ko ito tatanggihan dahil ito na ang pinakamataas na parangal na matatanggap ko. At saka, hindi ko ito hiningi, kusang ibinigay sa akin ng Pangulo na kinikilala ko. More than 60 box office films ang nagawa ko, ‘yang mga nagra-rally, wala silang natulungan. Sila ang mga elitistang hindi kilala ng mas marami, hindi nababasa ng ordinaryong tao,”pahayag ni Direk Carlo na halata mong masama ang loob sa pangyayari.
Nilinaw ni Dr. Vilma L. Labrador, chairman ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na hindi galing sa kanila ang recommendation na mapasama ang pangalan ni Carlo J. Caparas sa nasabing recognition.
Paliwanag pa niya, si Ginang Arroyo ang Honor Committee ng Malacañang, siya mismo ang namili ng bagong national artists. Karapatan ng Pangulo kung sino ang gusto niyang bigyan ng recognition. Blessing para kay Direk Carlo ang mapasama siya sa listahan ng pitong hinirang na National Artists for 2009.
Sina Carlo J. Caparas (visual arts) at Cecile Guidote-Alvarez (theater) ang mga bagong batch ng awardees na pararangalan. Kasama rin sina Pitoy Moreno for fashion design and Francisco Manosa for architecture. Kung tutuusin nga raw, matagal na dapat nakatanggap ng recognition ang batikang komiks writer.
Ayon pa rin kay Dr. Labrador, hindi pa tapos ang pagpirma ng Presidente sa recommendation para sa iba pang nirekomenda nila. Hindi sabay-sabay ang announcement ng mga napiling national artist.
Huwag naman nating tapak-tapakan at maliitin si Direk Carlo, may naiambag naman siya sa larangan ng sining. Kinilala ang kanyang mga obra na hanggang ngayon ay patuloy na nagbibigay ng aliw sa masang Pilipino.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield