TAONG 2002 NANG manalo si Carlo Maceda sa kauna-unahang Mossimo Bikini Summit. Pagkakuwan ay pinasok rin nito ang showbiz at nakasama sa ilang mga pelikula, tulad ng Bugbog-Sarado, Mano Po 2, Sukdulan, Pinay Pie, Singles at So Happy Together.
Nakalabas rin siya sa iba’t ibang TV shows. Pero makalipas ang ilang taong pag-arte sa harap ng kamera, nagdesisyon si Carlo na mag-concentrate sa pagpo-produce ng indie films at iba’t ibang events.
Ang kanyang sariling kumpanya, ang OnCam Productions, ay nagpu-produce ng pelikula, concerts, mall and provincial shows, TV commercials, AVPs, TV-cable shows (health-related), at maging sports events.
Pinasok rin nito ang business na pagpapa-renta ng technical equipments sa mga shooting ng pelikula, TV show, events, etc.
Ilang buwan na ang nakakaraan, naglabasan sa mga pahayagan ang reklamo ng baguhang indie director na si Mel Magno laban kay Carlo.
Ayon sa balita, galit na galit umano si Magno dahil ayaw diumanong i-release ni Carlo ang kopya ng debut indie film niyang may title na Ripples, na siya ring producer. Nasa cast ng Ripples sina Nene Tamayo, Charee Pineda, Ella Guevarra, AJ Dee, at Mikel Campos.
Nanatiling tahimik si Carlo sa usaping ito. Pero kamakailan lang, nagsalita na si Carlo ng kanyang side sa aming panayam.
Since may technical equipment business si Carlo at kaibigan siya ni Nene, ni-recommend nito ang dating aktor kay Magno. Pero, ayon pa rin sa claim ni Magno, nag-volunteer umano ito na maging part ng production para raw makatipid ang cost.
Habang nagsu-shooting ang pelikula, ayon sa kuwento ni Carlo, nagkaroon ng maraming problema.
“Hinihintay na lang namin ‘yung legal action niya. Kasi sa akin, basically, I don’t need the money. It’s not about money anymore, it’s about name na, eh. We were willing to help him.
“Wala namang problema sa amin ‘yun, eh, nagpapautang pa nga kami, gano’n. Babayaran daw niya kami, pinakiusapan niya ako, pero ‘yung ginawa niya, alam mo ‘yun, na even the artists, hindi niya binayaran…
“Wala akong nakitang cash flow… Humihingi ako sa kanya ng cash flow. Sabi ko, ‘Wait a minute, I trusted you that you have the money. Napangakuan ko ang mga kaibigan kong artista na mababayaran ko sila.’ Kasi, ang takot ng mga artists, is baka hindi sila mabayaran.
“So, what happened, nagbayad ako! In-advance ko ang talent fee ng mga artista. Abono ako! Kasi, nakakahiya, eh. I use them (in variety shows) frequently, ayokong masira ang relationship ko with these artists, bilang artista at bilang producer.”
Nagulat na lang daw si Carlo dahil nang-harass na si Magno sa media. Ayon pa rin kay Carlo, naghihintay lang siya ng tamang oras at communication at aniya, dapat na ayusin ni Magno ang ilang mga bagay.
“Sabi ko sa kanya, ‘Direk, it’s not about money anymore. I’ve heard some things from my fellow actors that you said this and that, na kumu-komisyon ako… Let’s talk first. ‘Coz I wanna set things straight to you.’ ‘Yun ang sinabi ko. Nasa text ‘yun, eh, may -record ‘yun.
“Sabi ko, ‘Direk, it’s not about the money anymore! I was willing to edit na film na wala pa ngang bayad!’
“Ipinakita ko naman ‘yung accounting naman, which is legitimate, na ang gastos na ito, you can call everybody who signed in these vouchers… They knew what happened.”
So, mali ba ang mga paratang ng nasabing indie director sa kanya?
“The papers will speak for it, ‘yung mga papeles. Pumirma na ang mga artista, tanungin mo sila, they will testify kung nabayaran sila o kumikbak ba ako!
“Bottomline, patunayan niya na niloko ko siya! ‘Saka aanhin ko ‘yung pera niya, magkano ‘yun? ‘Yung nagastos sa walong araw? ‘Yung 200 thousand, one shooting day lang ‘yun eh!
Nakarating kay Carlo na ayon daw kay Magno, eh nag-take advantage ito sa indie director. Pero ito ay mariin niyang itinanggi.
“What taking advantage did I do, if it costs me my own money? Wala akong benefit, eh.”
“Eh, sabi ko sa attorney ko, I demand three things: The truth. Kailangan, sabihin ‘yung katotohanan. Public apology. Bayaran niya lahat ng artista. Bayaran niya ‘yung mga production people. ‘Saka ‘yung mga utang niya sa amin,” dire-diretsong pahayag ni Carlo.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro