Carmageddon

ISANG LINGGO na rin ang nakararaan nang unang marinig natin ang salitang “CARMAGEDDON”. Hango ito sa salitang “Armageddon” na matatagpuan sa lumang tipan ng Bibliya. Ang kahulugan ng salitang “Armageddon” ay pagwawakas ng daigdig. Ang “carmageddon” naman ay hinango rito at isang pagsasalarawan kung gaano kalubha ang problema sa traffic, partikular sa EDSA.

Tila isang pagwawakas na nga talaga ng mundo ang naging sitwasyon sa EDSA noong nakaraang Martes. Ang mahigit sa 30 kilometrong haba ng kalsada sa EDSA mula Balintawak hanggang Magallanes flyover ay nagmistulang paradahan ng lahat ng uri ng mga sasakyan. Walang galawan dahil nakatukod na ang traffic at tila naghahantay na lang ang lahat sa isang delubyong tatapos sa mundo.

Papaano sosolusyunan ang carmageddon sa kalsada ng EDSA? Maging ang pagbabalik ng mga Highway Patrol Group (HPG) ay hindi nagkaroon ng dating at halos hindi naramdaman ang kanilang presensya sa EDSA, dahil walang pinagbago ang tindi ng traffic dito. Isa lang ang naging malinaw sa lahat. Ito ang katotohanan na sobrang dami na ng sasakyan na dumaraan sa EDSA at hindi na kaya ng lapad ng kalsada nito ang bilang ng mga sasakyang dumaraan dito.

BILANG SOLUSYON ay nais ibalik ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ilang mga ginamit na pamamaraan noon para maibsan ang problema sa traffic. Una na ang truck ban scheme. Ipatutupad ng MMDA ang buong araw na truck ban sa EDSA. Mula umaga hanggang gabi ay hindi maaaring gumamit ng EDSA ang anumang uri ng truck. Tanging sa madaling-araw lamang, mula 1:00 am hanggang 5:00 am maaaring pumasok ng EDSA ang mga truck.

Malaking pagsisikip talaga ang dulot ng mga truck sa EDSA bukod pa sa pagiging barumbado sa pagmamaneho ang marami sa mga driver nito. Kaya tiyak namang may epekto ito sa pag-ibsan ng traffic sa EDSA. Ngunit iniisip ding ibalik ng MMDA ang isang truck ban scheme sa kahabaan ng Roxas Boulevard at sa lahat ng kalsada sa Metro Manila. Hindi maaaring magbiyahe ang mga nasabing sasakyan mula 6:00 am hanggang 10:00 am at 5:00 pm hanggang 10:00 pm.

Ang pangamba lamang dito ay baka maulit muli ang pagkakatambak ng mga cargo containers sa port at maapektuhan na naman ang ekonomiya ng Pilipinas. Para sa marami ay magdudulot ito ng malaking problema sa Customs at port sa Manila. Ngunit dapat ay mapag-aralan ito nang husto ng MMDA at pamahalaan para hindi lang paikut-ikot ang problema natin.

ANG “NO parking” sa kahabaan ng EDSA ay isang malaking kasalanan kung ituring kung susuwayin ng mga motorista. Ang mga sasakyan lang naman talaga ng gobyerno ang may lakas ng loob na mag-park sa EDSA nang walang pakundangan dahil ipinagmamalaki nila ang kanilang red plate o ‘di kaya ay government office plate ng mga mayor, councilor, governor, congressman, senator, NBI, DOJ, at marami pang iba. Dapat ay totohanin ng mga HPG na wala silang sasantuhin at talagang huhulihin ang mga drivers na lalabag sa “no parking” sa EDSA maging sino man ka man!

Mabuti rin na napagtuunan ng pansin ng HPG at MMDA ang malubhang trapiko na dulot madalas ng mga minor accident sa EDSA. Ang problema kasi ay kung gasgas o pagkayupi ng sasakyan lamang ang problema, matagal na naghihintay ang mga motoristang sangkot sa banggaan sa mga imbestigador dahil na-traffic na rin ang mga ito papunta sa lugar ng aksidente. Kaya ang panukalang solusyon dito ay magkaroon ng “self-documented accident” na tinatawag. Hindi na kailangang hintayin ang mga imbestigador ng MMDA para ma-document o makuhanan ng litrato ang banggaan.

Gamit ang telepono ng mga drivers na sangkot sa banggaan ay maaari na sila na lang ang kumuha ng litrato o mag-document sa aksidente. Madali nilang maitatabi ang mga sasakyan nila at hindi na ito magdudulot pa ng pagkaipon ng mga sasakyang dumaraan sa kalsadang iyon. Malaking bagay ang mga ganitong pagbabago, kasi ang mga maliliit na aksidenteng ito ay kadalasang lumilikha ng malalang traffic sa kalsada. Isipin na lang natin na halos araw-araw ay mayroong banggan sa iba’t ibang kalsada sa Metro Manila.

HINDI LANG ako sang-ayon sa panukalang dapat ay maghalal ng isang Metro Manila Governor para siya ang mamamahala sa buong Metro Manila at kasama na rito ang problema sa traffic. Mahusay naman si MMDA Chairman Francis Tolentino at nagagawa niya ang mandato ng MMDA. Isang pagpapalit lamang ito ng pangalan sa puwesto at pagdaragdag ng kapangyarihan. Magiging isang pulitikang ugnayan lang ito kung saan ay magsisimula na naman ang posibleng problema sa kurapsyon.

Kung isang pulitiko ang mailalagay rito dahil isang proseso na naman ito ng eleksyon, tiyak na gagamitin lamang ang posisyong Metro Manila Governor sa pulitika. Nanakawin lamang ng mauupo ang pondo rito lalo na’t kung isang masibang pulitiko ang maka-tsamba sa puwesto.

Marami talagang mga pulitikong mapagsamantala at pati ang problema sa traffic ay gustong pasukin at pagkakitaan. Mga ganid at masisiba sa posisyon, kapangyarihan at pera. Huwag na sanang isama sa pamumulitika ang problema sa traffic dahil baka ang carmageddon ay mauwi sa tunay na pagwawakas ng buhay.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.  

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePaano yumaman kahit hindi ka “Rich?
Next articleNaglalaway!

No posts to display