ANG PASKONG Pinoy ay itinuturing na may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko na nag-uumpisa na tuwing papasok ang mga ber months, kung saan idinaraos ng mga Pilipino ang Kapaskuhan nang buong kasaganahan at punung-puno ng mayayamang tradisyon at kaugaliang katangi-tanging Pinoy katulad ng pangangaroling.
Sa tuwing malapit na ang Pasko, ipinagdiriwang ng mga kabataan ang tradisyonal na pangangaroling o pagkanta ng mga kantang Pamasko, kung saan ay pumupunta sila sa mga iba’t ibang bahay upang handugan ng isang awiting Pamasko at sila naman ay maaaring abutan ng mga pagkain o barya. Pagkatapos silang mabigyan ay kakanta ng “Thank you thank you, ang babait ninyo, thank you.” Pero ang iba kapag hindi binigyan o hindi pinansin ay kumakanta ng “Thank you, thank you, ang babarat ninyo, thank you”, kung saan ‘yung mga sinasabihan ay natatawa na lamang o kaya ang iba ay nagagalit. Pero hayaan na lang natin at ating damhin ang simoy ng Pasko o ang tradisyon natin tuwing magpa-Pasko.
Ang mga instrumento naman ng mga nangangaroling ay iba-iba, ‘yung iba ay remedyo ng mga instrumento tulad ng mga tamborines na gawa ng mga tansan na nasa isang wire, ang iba maaaring mag-beatbox, ang iba ay naggigitara, at ang iba naman ay simpleng boses lang pero nasa tono naman. Iba-iba ang trip ng bawat isa basta ang mahalaga ay nag-e-enjoy tayo at napapasaya natin ang tradisyonal na Paskong Pinoy.
Maraming kantang Pamasko ang kinakanta ng mga kabataan kapag sila ay mangangaroling. Halimbawa nito ay ang ‘Sa may bahay ang aming bati’:
“Sa may báhay ang áming báti, Merry Christmas na maluwalháti!
Ang pag-íbig, pag siyàng naghári, Araw-araw ay mágiging Pasko lagi!
Ang sanhi po ng pagparíto, Ay híhingi po ng áginaldo.
Kung sakali’t kami’y perhuwísyo, Pasensya na kayo’t kami’y namamasko!”
O kaya ang kantang ‘Noche Buena’:
“Kay sigla ng gabi, Ang lahat ay kay saya, Nagluto ang Ate ng manok na tinola
Sa bahay ng Kuya ay mayro’ng litsonan pa
Ang bawat tahanan may handang iba’t iba
Tayo na giliw, Magsalo na tayo, Mayro’n na tayong tinapay at keso
Di ba Noche Buena Sa gabing ito At bukas ay araw ng Pasko”
O kaya ang kantang ‘Ang Pasko ay Sumapit’
“Ang Pasko ay sumapit, Tayo ay mangagsiawit
Nang magagandáng himig dahil sa ang Diyos ay pag-ibig
Nang si Kristo’y isilang, May tatlóng haring nagsidalaw
At ang bawat isá ay nagsipaghandóg ng tanging alay.
Bagong Taón ay magbagong-buhay, Nang lumigayà ang ating Bayan
Tayo’y magsikap upang makamtán, Natin ang kasaganaan!”
Iyan ang mga ilan sa mga kantang pangaroling na kinakanta ng mga kabataan, kahit ang iba sa kanila sa tuwing mangangaroling na o kumakanta nang kantang Pamasko ay medyo naiiba-iba ang lyrics, ang iba ay wala sa tono, pero okay lang ‘yan, mga ate at kuya. Ang mahalaga ay masaya tayo. Teka, kabataan lang ba ang puwedeng mangaroling? Siyempre hindi lang mga bagets o mga bata ang puwede mangaroling, Sila nanay, tatay, lolo, at lola, puwedeng-puwede mangaroling kaya ating panatilihin na masaya at masagana ang ating Pasko. Kaya tara na at mangaroling at sabay-sabay sabihin na “Namamasko po!”
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo