SABI NILA, lalo na ng mga bitter-bitter-an sa pag-ibig, wala raw forever. Aba, nagkakamali kayo riyan, dahil dito sa Pilipinas, may forever at ‘yan ang isyu ng traffic sa bansa. Kahit saan ka man magpunta at lalo na kung mapunta ka sa EDSA, saksakan ng tindi ang traffic kahit ordinaryong oras lamang. Paano pa kaya ‘pag rush hour na?
Ito ay sa kadahilanang para bang lahat na ng tao ay may kanya-kanyang kotse, dagdag mo pa ang mga pampasaherong bus at jeep sa kalsada. Pero mukhang nagbabago na ang mga Pinoy, dahil unti-unti na nilang nakukuha ang konsepto ng carpooling. Ang carpooling ay ang pag-share ng seats ng may-ari ng sasakyan sa mga tao na iisa lang ang destinasyon o kaya on the way naman ang pupuntahan pareho. At ang konsepto ng carpooling ay mas napaiigting sa tulong ng Tripda.
Ano nga ba ang Tripda? Ang Tripda ay isang carpooling platform na kumokonekta sa mga car drivers na may spare seats sa mga commuters na may kaparehong destinasyon sa kanila o at least on the way man lang. Ito ay nagsimula sa Brazil noong nakaraang taon lamang ang nakalilipas. Kumbaga, 2014 ito nagsimula at ang pioneer nito ay isang magaling na entrepreneur na nagngangalang Pedro.
Ang Tripda ay naipatupad, napagana, at naipakalat sa pamamagitan ng Rocket Internet. At kahit sabihin na nating baguhan pa sa industriya ang Tripda, huwag mamaliitin ang kanilang kakayahan dahil sa loob ng isang taon, ang Tripda ay nag-o-operate na sa 12 mga bansa sa mga kontinente ng Latin America, North America, at Asia.
Ang maganda pa sa Tripda, isinusulong nito hindi lang ang pagsolusyon sa isyu ng traffic sa bansa, kundi pati ang pagbibigay ng importansya sa konsepto ng pagtitipid sa mga Pinoy. Mas tipid nga ito dahil kaysa mag-taxi ka o kaya gasolinahan ang sarili mong sasakyan papunta sa trabaho o papunta sa destinasyon mo, makihati ka na lang ng metro ng pamasahe sa mga tao na pareho lang din ang pupuntahan ninyo. Mas makatitipid talaga dahil maghahati-hati ang mga pasahero na sakay-sakay ng kotse.
Nagiging daan din ang Tripda upang lumawak ang iyong network o makakilala pa ng ibang tao at magkaroon ng maraming kaibigan. Malay mo, ang hinihintay mo pa lang ka-sparks mo ay makakasakay mo pala sa Tripda!
Kung nag-aalangan kayo sa kaligtasan ng pasahero ng Tripda, wala kayong dapat ikabahala. Ang mga pinapayagan lang ng Tripda na mga pasahero ay mga may kumpirmadong e-mail address at cellphone number. Salamat sa Facebook dahil nagiging daan ito hindi lang makilala ang Tripda kundi makilala pati ang makakasakay mo. Bawat pasahero rin ng Tripda ay nakapag-e-earn ng trustworthiness, credibility, reliability, at dependability points. Bawat pagsakay mo rin, ikaw ay bibibigyan ng rating sa pamamagitan ng star pointing system. Kaya bago mo siya makasama sa iyong sakay papunta sa inyong destinasyon, malalaman mo na kung maayos ba siyang pakisamahan.
Para sa mga kababaihan na choosy talaga sa pagpili ng makasasakay at gusto lang ay puro babae ang makasasama sa Tripda, may option naman sa app na Ladies’ ride.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? I-download na ang Tripda app. Libreng-libre lang ito! At simulan na ang pag-search sa makaka-carpool ninyo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo