NAGING VERY memorable ang reunion at fans day ng TGIS, kung saan tanging sina Angelu De leon, Bobby Andrews at Michael Flores lang ang nakapunta dahil na rin na ang ibang miyembro ng TGIS ay nasa Amerika, samantalang ang iba naman ang busy nang araw na iyon na inorganisa ng kanilang avid fans simula noong nagsisimula pa lang ang TGIS at hanggang ngayon ay nananatiling avid fans pa rin ng TGIS.
Hindi naiwasang maluha ni Angelu sa mga naging mensahe ng kanilang mga tagahanga na nag-effort na dumalo sa nasabing event day na mula pa sa iba’t ibang sulok ng bansa. Merong galing pa ng Bacolod, Bulacan at maging sa Singapore na pansamantalang bumalik ng Pilipinas, para makasama sila.
Karamihan sa mga dumalong tagahanga ay may kanya-kanyang memorabilya na kuha pa noong TGIS time. Kaya naman hindi naiwasang mag-flashback at magkuwento nina Michael, Angelu at Bobby ng kani-kani-lang experiences during the time na ginagawa pa nila ang numero unong teen show sa bansa noong dekada ‘90.
Very thankful nga ang tatlo dahil, kahi’t 18 years na ang nakalipas, nandiyan pa rin ang kanilang mga tagahanga para suportahan ang lahat ng naging miyembro ng TGIS na visible pa sa industriya at para na rin sa pagkakaroon pa rin nila ng fans day kahit nga naman matagal nang namaalam ang TGIS.
NAGING MATAGUMPAY ang Pusong Bato Concert with the Dabarkads na ginanap last Feb. 23, sa Zirkoh Tomas Morato, kung saan isa sa umani ng pinakamalakas na tilian ay ang upcoming singer na si Xavier Cruz na unti-unti nang nakikilala sa mundo ng musika.
Hindi nga raw expected ni Xavier na kahit baguhan siya ay marami na ang sumusuporta sa kanya at may mga tagahangang magtatayo ng kanyang fans club at laging pumupunta kung saan man siya may show.
Ang mga fans niya nga raw ang isa sa nagsisilbing inspirasyon sa kanya para paghusayan niya ang kanyang performance everytime na may show siya, para naman daw masuklian niya ang walang sawang suporta ng mga ito sa kanya.
Regalo nga raw ni Xavier ang kanyang malapit nang matapos na album sa kanyang mga avid supporters at ilang kanta na lang nga daw ang kanyang ire-record at buo na ang kanyang album na balita naming lalabas sa summer, ayon na rin sa mabait at very generous nitong manager na si Atty. Ferdinand Topacio.
HANGGANG NGAYON daw ay hindi pa rin makapaniwala ang magandang Tweenstar na si Kim Komatsu dahil sa magandang break na ibinigay sa kanya ng GMA 7 bilang isa sa bini-build-up na leading lady ng Kapuso Network via Serpentina, ang magsisilbing launching project nito.
Hindi nga raw nito maiwasang maluha, dahil pinagkatiwalaan siya ng GMA 7 na mag bida sa afternoon soap, kaya naman daw 100% plus daw ang ibibigay niya para mapaghusayan ang kanyang pag-arte nang sa gayon ay masuklian niya ang tiwalang ibinigay sa kanya ng Kapuso Network.
Dalawa ang magiging leadingman ni Kim sa Serpentina – ang equally-good actor na bini-build-up din ng GMA 7 para maging next important leading man ng bansa na si Kristoffer Martin, at ang Starstruck hunk na si Enzo Pineda.
BONGGA AT pabolosa ang launching ng pabango ni Georgina Wilson sa Bench na ginanap sa Atrium ng Mall Of Asia. Nagmistulang diyosa sa ganda si Georgina nang lumabas at rumampa
sa entablado habang nag-i-spray ng kanyang pabango. Kaya naman halos karamihan ng mga taong naroroon ay nagkasundo sa pagsasabing sobrang ganda ni Georgina at napakabango ng kanyang pabango.
Ilan sa dumalo na namataan namin sa launching ay si Ben Chan ng Bench, Gloria Diaz, Raymond Gutierrez, 2011 Miss. World 1st Runner-Up Gwendolyn Ruais, at ang ever supportive BF ni Georgina na si Borgy Manotoc.
John’s Point
by John Fontanilla