Cavite Collector at Combination 2-1-7

ASTIG TALAGA sa buong kampo (cuartel) ng Cavite PNP Provincial Command itong isang pulis na SP03 o mas kilala sa tawag na “Boss Marlon”.

Kilala kasi sa buong cuartel na itong si “Marlon” ang “bagman” ni Provincial Director John Bulalacao.

Ayon sa ilang reporter, ang kabuuan ng weekly collection sa lahat ng raket sa buong lalawigan ng Cavite lalo na ang mula sa iligal na sugal ay rito kay “Boss Marlon” dumadaloy papunta kay Col. Bulalacao.

Noong una, parekoy, hindi tayo naniniwala na may weekly collection nga ang provincial command at isang SP03 ang “bagman”.

Pero nang ipaggitgitan sa atin ng maraming mamamahayag ang bagay na ito ay unti-unti tayong nakukumbinsi.

Pero sa larangan ng patas na pamamahayag ay ipinakukuha natin ang panig ni Col. Bulalacao para sa kanyang komento hindi lamang dito sa bagman umano niyang si SP03 Marlon, kundi maging ang lahat ng tungkol sa iligal na sugal sa Cavite.

May usapan kasi kami ni DILG Sec. Jesse Robredo na ihahatid natin sa kanyang tanggapan ang malilikom nating listahan sa iba’t ibang bahagi ng ‘Pinas tungkol sa aktibidades ng iligal na sugal.

Parekoy, walang dapat ipag-alala si Col. Bulalacao dahil matapos siyang ma-interview ng ating reporter ay personal kong kakapanayamin si Gen. Gil Meneses, ang PNP Regional Director ng Region 4-A.

Op kors, maaaring itanggi nina Col. Bulalacao ang hinggil sa bagay na ito.

Ewan ko lang, parekoy, kung hindi ito kayang patunayan ng mga tauhan ng DILG na aatasang magsagawa ng discreet na evaluation process sa isa-submit nating listahan sa DILG.

The TRUTH will set you free SP03 Marlon. He, he, he.

Sana nga hindi ka bagman ni Kernel! Hak, hak, hak!

TALIWAS SA paulit-ulit na ipinahahayag ng mga kongresistang kasapi ng 11-man prosecution team na sila ay handang-handa umano sa pag-prosecute kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, sa pangalawang araw pa lamang ng Impeachment trial ay bumalandra na agad itong tropa ni Cong. Neil Tupaz.

Dahil ultimo sa pagbibilang ay gusto nilang magsimula sa number 2.

Hak, hak, hak, daig pa ng elementary pupils ang mga kongresistang ito!

Sinubukan kong itanong sa aking anak na grade 1 kung paano siya magbilang kapag ang bibilangin ay walo (8).

Ang sagot ng aking anak ay magsisimula siya sa number 1.

‘Yaks! Mas matalino pa pala ang anak ko kesa kina Cong. Neil Tupaz! He, he, he!

Ganun pa man, dahil sa paghahanap ng katotohanan ay pinagtiyagaan na rin ng Senado itong mga prosecutors ni Corona.

Kaya nga noong Miyerkules ay ganap nang nagsimulang gumiling ang korte ng Senado sa paggisa sa mga testigong ipina-subpoena nina Cong. Neil Tupaz.

In-short, nang pinapili kung paano nila uumpisahan ang pagbilang sa paglatag ng kanilang reklamo laban kay Corona, kaagad pinili ni Tupaz ang Articles of Impeachment numbers 2, 1 at 7.

Mag-abang tayo, parekoy, sa kahihinatnan ng paglilitis na ito, samantala, kung susundan ang mga numero ni Cong. Tupaz ay mukhang mapalad sa linggong ito ang kumbinasyon na ito, 2-1-7.

Taya na, parekoy! Hak, hak, hak!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleAnomalya sa Pondo ng OFW
Next articleNo ID, No Entry

No posts to display