Cebu City, Smuggling Capital of the Philippines?

NOONG LUNES, March 25, 2013, tinalakay ko sa programang Wanted Sa Radyo ang isyu tungkol sa talamak na smuggling ng bigas sa tinaguriang Queen City of the South – ang Cebu City. Pagkatapos ng aking programa nang araw ring iyon, 800 containers na mga smuggled rice ang naharang ng mga kawani ng Bureau of Customs sa Port of Cebu.

Ang pagkahuli sa 800 containers ay isang napakalaking accomplishment hindi lamang para sa BoC kundi maging para sa administrasyong Aquino. Maaari itong gamitin ni Pangulong Noynoy bilang trophy ng kanyang pamamahala, at magandang banggitin bilang pampapogi sa kanyang mga pagtatalumpati sa mga ginagawa niyang pangangampanya para sa mga kandidato ng kanyang partido ngayong eleksyon.

Pero mahigit isang linggo na simula nang maharang ang nasabing 800 containers ngunit hindi pa rin ipinangangalandakan ng BoC at ng Pangulo ang jackpot accomplishment na ito. Bakit nga ba? Dalawang bersyon ang pumuputok ngayon sa BoC.

Ang una, isang opisyal sa Malacañang na labis na pinagkakatiwalaan ni P-Noy ang ginagawa siyang pendejo. Ang opisyal na ito ang kinuhang padrino ng mga may-ari ng nasabing mga smuggled rice at siya na rin ang nag-utos sa mga kawani ng BoC na maging tikom ang bibig tungkol sa 800 containers.

At ang pangalawa, nabigyan ng basbas sa BoC ang mga may-ari ng smuggled rice na magparating ng mga bigas ngunit hindi idineklara ng mga may-ari ang tunay na bilang ng containers na kanilang ipinarating kaya hinuli ang mga kargamento nila dahil lumitaw na sila’y nambukol. Kailangan nila ngayong magmulta sa pamamagitan ng pagbigay ng tripleng tara sa nagbigay ng basbas sa kanila.

Hanggang sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, naka-hold pa rin umano ang nasabing 800 containers. Pero ayon sa isang source, anytime soon, maaari itong mapakawalan dahil nag-uumpisa na ang “gapangan” at “aregluhan”.

ISANG KAWANI ng Bureau of Customs (BoC) na nakabase sa Maynila ang itinuturong dahilan kung bakit talamak ang smuggling ng bigas sa Port of Cebu at maging sa iba’t ibang customs port sa buong bansa.

May magandang puwesto ang nasabing kawani kaya marami ang tumatawag sa kanya ng Sir sa BoC. Ang pagmo-monitor sa tamang pagbayad at pangongolekta ng buwis mula sa mga importer at broker ay madalas gawin ni Sir.    Labis din siyang kinakatatakutan ng mga smuggler dahil madalas niyang tinutugis ang mga ito.

Pero ang siste, bantay-salakay si Sir. Sa bawat container ng smuggled rice na pumapasok sa bansa, tumatara si Sir ng P20,000. Sa mga ordinaryong kargamento, P10,000 naman ang kanyang hinihinging tara sa bawat container.

Sa isang linggo, hindi bababa sa P100 million pesos ang kabuuang tara na nakokolekta ni Sir para sa lahat ng container na pumapasok sa iba’t ibang customs pier sa buong bansa. Siyempre, si Sir ay may padrino sa Malacañang na dinadalhan niya ng kanyang natatabong tara.

Dahil sa kanyang padrino, ilag din ang halos lahat ng kawani ng BoC sa kanya. Kung minsan pa nga raw, nasasapawan pa niya sa kapangyarihan ang Customs Commissioner. Sino si Sir?

Bigyan natin siya ng initials na PM – as in Prime Minister. Animo’y hari kasi ang turing sa kanya ng mga smuggler. Sino naman ang padrino ni Sir sa loob ng Malacañang? Bigyan natin siya ng initials na PO – as in Power Overseer. Malapit kasi siya sa trono at nagsisilbing enkargado nito.

ANG WANTED Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV channel 41. Ang inyong lingkod ay napanonood din sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. Matutunghayan din ang inyong lingkod tuwing Sabado, 6:30pm sa Aksyon Weekend news sa TV5.

Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 o 0949-4616064.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 45 April 01 – 02, 2013
Next articleIlong ni Rocco, umusok

No posts to display