SINUSULAT ITO’Y sumilip na ang Haring Araw. Juice ko, pagkatapos ng parang “delubyong” dumaan sa buong NCR ay juice ko, halos lahat, na-appreciate ang araw na sumilay.
Sana nga, lagi na lang ganito. Kahit siguro dumating ‘yung time na ang tindi na at nakapapaso na sa balat ang sikat ng araw, okay na rin. Magtatago ka lang naman sa lilim o hindi ka lang lalabas ng bahay, eh.
Pero itong ulan na hindi naman tinawag na bagyo pero araw-araw ang buhos? Juice ko, nakapipinsala naman ng bahay. Hanggang sa mangamatay na ‘yung ibang nasalanta ng baha at nagutom dahil hindi na-rescue.
Kahit medyo maganda-ganda na ang panahon, marami pa rin ang lubog sa baha, naghihintay ng rescue team at naghihintay sa pinapangarap nilang maiinom na tubig at maipanlalaman ng sikmura kahit konti mula sa mga magmamagandang-loob.
Pero sana nga, paahon na lahat. Pero balimbing pa rin ang panahon. Nabuo na ang takot ng mga tao sa tuwing bubuhos ang ulan. Kaya panay pa rin ang dasal ng lahat na tama na po, Lord. Awat muna. Taympers.
Pero salamat pa rin, Lord, dahil alam naming hindi Mo bibigyan ng problema ang mga anak Mo na hindi namin kayang dalhin at solusyunan.
SINA K Brosas at Pokwang ang dalawang celebrities na bising-busy rin sa pagbabalot ng mga relief goods na ipamimigay nila sa ilang nasalanta ng baha, bukod kina Kim Chiu, Xian Lim, Angel Locsin, Phil Younghusband, Mariel Rodriguez, Robin Padilla na nakuhanan ng litrato.
Si Gerald Anderson din ay hindi niya alam na nakunan siya ng litrato habang tumutulong sa nabahaan. In fairness, kahit nu’ng bagyong Ondoy, nag-rescue rin sa Vista Real Classica sa may Commonwealth si Gerald, kaya likas na sa batang ito ang pagiging matulungin.
‘Yung iba nama’y masisipag magsipag-tweet bilang maliit na paraan ng pagtulong.
Me nag-tweet sa amin na porke mga artista eh, puring-puri na namin?
Weh? Eh, pati nga ang mga volunteers lalo na ang mga rescue teams ay pinapupurihan namin, dahil nagugutom na ‘yung iba sa kanila pero wala silang pakialam. Para na silang busog kapag nakasasagip ng buhay.
Alam namin na hanggang ngayon, marami pa rin ang na-stranded at na-
tulog na lang sa ibabaw ng kanilang bubong o na-stuck-up na sa second floor ng kanilang bahay dahil sa mataas na baha at hindi pa rin sila nare-rescue.
Pero ang mga Pinoy naman, sa mga ganitong klaseng kalamidad, hindi basta-basta panghihinaan ng loob, eh. ‘Yan ang katangian ng Pinoy na very evident, in fairness.
At sa bayanihang ipinamamalas ng ating mga kababayan, saludo po kami sa inyo.
May your tribe increase.
NAAALIW NA lang kami sa ibang “sumbong tweets” sa amin ng mga followers tungkol sa ibang celeb na pina-follow nila sa twitter. Ba’t daw gano’n ‘yung iba, parang hindi aware sa mga nangyayari sa paligid kahapon?
Tulad daw ni Iwa Moto na wala na raw ginawa kundi i-tweet na miss na miss na nito ang dyowa niya nga-yong ex-dyowa ni Jodi Sta. Maria na si Pampi Lacson at panay pa raw ang Instagram nito.
‘Yung isang ‘di katangkarang aktor din daw na panay pa ang promote ng movie nina Eugene Domingo at Ogie Alcasid. Tapos, with matching announcement pa raw ng winners para sa pa-contest ng Bourne Legacy.
Kesyo ba’t hindi na lang daw nito alamin sa mga pag-aaring resto kung me mga sobrang food o ipagluto na lang daw sa mga resto nito ang mga nasalanta ng baha, tutal, ang suwerte naman daw niya sa buhay.
Hahahaha! Naaaliw na lang kami sa mga tweets.
Basta hayaan n’yo na lang sila, kasi nga, Twitter account nila ‘yon, hindi n’yo Twitter account. Nakiki-follow lang naman kayo. Malay naman natin, hindi sila masyadong nagpapa-depress sa mga pangyayari sa paligid o tapos na silang mag-share ng kanilang effort sa mga nabahaan, ‘di ba?
Kaya kesa pansinin n’yo ito, eh kahit kayo, tumulong na rin para mas masaya.
Keri ba ‘yon?
Oh My G!
by Ogie Diaz