PINURI ng mga artista si Vice President Leni Robredo sa kanyang hands-on leadership at mabilis na aksiyon sa pagtulong mga taong naapektuhan ng Bagyong Odette sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanyang Instagram page, pinuri ng aktres at TV host na si Kris Aquino dahil palagi itong tumutulong tuwing may kalamidad.
Sinabi pa ni Kris na alas-singko pa lang ng madaling araw ay nakikipag-ugnayan na siya kay Robredo ukol sa mga donasyon na kanyang natanggap para sa mga nasalanta ng bagyo.
Ayon pa sa aktres, palagi silang nakikipag-ugnayan ng kapwa aktres na si Angel Locsin kay Robredo pagdating sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.
Sinamahan din ni Kris si Robredo sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Sa kanyang parte, nanawagan si Locsin sa mga nais tumulong na dalhin ang kanilang donasyon sa Leni-Kiko Volunteer office.
“They converted their campaign area into a hard-working relief operation hub. The place have areas for receiving donations, repacking, storing goods, and communication center for those who needed rescuing, relief and also to find loved ones,” wika ni Angel.
“Sinantabi muna ang kampanya para makatulong. We need more servant leaders like her,” dagdag pa niya.
Pinuri rin ng aktres na si Rita Avila ang mabilis na pagtulong ni Robredo sa mga biktima ng bagyo.
“Laging kumikilos agad. Walang patama. Totoo namang kumikilos agad kahit puyat o may konting karamdaman. Salamat po VP Leni,” sabi ni Avila, na nag-volunteer din sa Leni-Kiko Volunteer office para magbalot at maghanda ng relief goods.
“Ang saya makitang ang daming tumutulong sa kanya-kanyang paraan. Napaka-organized ng team ni VP Leni. Mana sa kanya,” wika ni Avila sa isang Facebook post.
Nag-volunteer din ang actor/model na si Elijah Canlas sa paghahanda ng relief goods sa volunteer center. Nag-post din siya ng photo kasama si Robredo na may caption na “My pawis na pawis photo with MY PRESIDENT!” kasabay ng paghikayat sa ibang tao na mag-volunteer o mag-donate para sa mga biktima ng bagyo.