Kung napanood ninyo ang pelikulang Fuchsia, malamang hindi n’yo rin malilimutan ang payo ni Miss Celia sa lahat ng kababaihan regardless of age – ‘Wag kalimutang diligin ang pechay!’
Tunay ngang beterana sa kanyang propesyon, hindi pa rin nawawala sa sirkulasyon si Miss Cecilia Rodriguez – ang aktres at fashionistang sa kabila ng edad ay patuloy pa ring ginugulat ang madla sa fashion statement na kanya lang talaga.
Ipinanganak si Miss Celia noong 1938 sa Irosin, Sorsogon. Hindi lang bihasa sa Filipino at Ingles, kaya n’ya ring makipagsabayan gamit ang wikang Espanyol. Madalas din natin siyang makita opposite seasoned actresses themselves like Gloria Romero, Zeny Zabala at Bella Flores.
Pero mas may marka ang pagganap ni Miss Celia bilang kontrabida. Lalo na siyempre ang pagganap niya bilang si Dr. Valentina Vrandakapoor, ang babaeng may buhok na ahas na kontrabida sa buhay ng sikat na komiks character na si Darna.
May sariling paraan si Miss Celia para pasayahin ang kanyang manonood. Hindi lang niya kasi nagagawang iritahin ang mga fans ng bidang pinapasakitan niya, kundi nagagawa rin niyang patawanin ang mga ito sa nakatatawa at pamatay niyang linya.
Hindi mo maiiwasang mapalingon ‘pag si Miss Celia na ang rumarampa. Kasi naman, may sarili siyang fashion statement na kanya lang talaga – ang bonggang hairdo, plus, ang kakaibang gown na kering-keri naman niya, at siyempre, ang paborito n’yang scarf.
Prangka si Miss Celia na sabihing iba na ang henerasyon ng mga artista ngayon kung ikukumpara noong kasagsagan ng kanyang karir. Kaya ang payo n’ya, kung artista ka, kumilos at magdamit ka ng parang isang tunay na artista.
By Mayin de los Santos
Photos by Luz Candaba and Fernan Sucalit