PINAG-UUSAPAN PA rin itong kuwentong hiwalayan nina Cesar Montano at Sunshine Cruz, pero tahimik pa rin ang dalawa.
Ang sabi, meron daw interview si Sunshine sa isang TV network pero parang ‘di ko naman napanood at ‘di napag-usapan.
Tahimik lang din yata ito, lalo na si Cesar na dinig ko, galit sa mga nangyayari.
Ang latest na nabalitaan ko, itinatanggi ng kampo ni Cesar Montano ang napabalitang pinalayas daw ito ni Sunshine kaya sa Manila Hotel na raw ito nakatira ngayon.
Hindi raw totoo ‘yun. Nu’ng pumutok ang balitang hiwalayan, nasa Manila Hotel daw talaga nu’n si Cesar dahil sunud-sunod ang shooting niya ng Alfredo Lim Story.
Mahirap na sa kanya ang bumalik-balik pa dahil magkakalapit doon ang location ng sinu-shoot niya kaya hindi na muna ito umuwi.
Pero ngayon daw ay umuuwi na ito sa kanila at nandu’n naman si Sunshine kasama ang mga anak nila.
Hindi nga lang daw yata sila nag-uusap at hindi pa nila naayos ‘yang problema nila.
Tingin ko naman, magkaayos din ‘yan sila dahil hindi naman yata seryoso si Cesar du’n sa starlet na ‘yun.
Kung totoo man ‘yung mga nangyari, eh alam n’yo naman si Cesar. Hindi na sana ito pinalaki para hindi na nakilala ang babaeng ‘yun.
Ang sabi naman daw kasi nila, involved na raw mga bata dahil sila raw nakakita sa cellphone ng Daddy nila. Kaya nasaktan nang husto si Sunshine.
Pero kung kay Sunshine, ipaglaban niya ang pagiging asawa niya at huwag nang patulan ang babaeng ‘yun.
Ang ending n’yan, mapagbintangan pa silang publicity lang ‘yun sa pelikulang ginagawa ngayon ni Cesar.
ITO, PERSONAL ko lang na pasasalamat talaga kay Atty. Persida Acosta dahil sa pagtulong niya sa mga mahihirap na hindi kayang ipagtanggol ang sarili kapag nasasakdal.
Alam na ‘yan ni Atty. Acosta, dahil medyo personal ‘yun.
Kasi nakita ko talaga ang advocacy niya sa pagtulong at sabi nga niya gusto lang niyang ma-promote ang mediation at alternative dispute resolution.
Ito nga ‘yung programa niyang Public Atorni na inilipat na ng TV5 sa Aksyon TV. Napapanood ito tuwing Lunes ng alas-siyete ng gabi.
May ibang istasyon pa palang nag-aalok kay Atty. Acosta na gagawan siya ng show, pero nasa ere pa kasi itong Public Atorni niya kaya hintayin daw munang matapos ‘yun.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis