BALIK-PELIKULA SI Cesar Montano sa isang psychological thriller, ang Biktima with Angel Aquino bilang TV reporter sa direksiyon ni RD Alba. Unang nagkasama ang dalawa sa Panaghoy Sa Suba na dinirek ni Cesar at associate producer palang noon si Direk RD. Nasa cast din sina Mercedes Cabral at Sunshine Cruz.
Bakit nga ba isang suspense-drama ang tinanaggap ni Cesar imbes na action film?
“Maganda kasi ‘yung material kaya ko tinanggap at saka para maiba naman sa mga character na nagawa ko na. Kahit puro action films na ang nagawa ko in the past, puwede pa rin ako sa drama,” say niya.
Itinanggi ni Cesar na nagkaroon ng problema habang nagsi-shooting sila sa Bohol. Very smooth daw ang takbo ng shooting, tuluy-tuloy lang. Palaging ready ang actor for take kahit walang make-up kapag humarap na sa kamera. Hindi na nga raw niya namalayan na tapos na ang kanyang mga eksena. Nagulat na nga raw siya nang mapanood ang kabuuan ng pelikula. Maganda kasi ang kinalabasan. Hindi mo raw aakalaing ten days lang ito tinapos ni Direk RD.
“Four days lang ako, kapag indie, kukunan ka nang kukunan. Pagkatapos ng eksena mo bihis ka agad tapos salang na naman,” tsika ng actor.
Ikinuwento ni Cesar na hindi mala-indie film ang dating ng Biktima on the big screen. Dalawang camera, red cam na may lente, kaya film talaga ang dating kaya maganda ang texture ng film pati kulay nito. Sinabi rin ng actor/director na kapag siya ang nagdi-direk, maraming anggulo siyang kinukunan, gusto niyang maging almost perfect ang mga eksena.
“Sa bawat director na nakakatrabaho ko, marami akong natututunan. Maging actor ka man o director, it’s a process of learning. Patuloy ka pa ring nag-aaral at marami kang madi-discover na puwede mong i-apply sa sarili mo,” sabi ni Buboy.
Nakatakdang gawin ni Cesar ang bio-film ni Mayor Alfredo Lim at ang El Presidente ni Gov. ER Ejercito. Sa kanya napunta ang role bilang si Andres Bonifacio na tinanggihan ni Robin Padilla. Naka-one day shooting na ang magaling na actor. May four days shooting pa siya same with Christopher de Leon na kasama rin sa pelikula as Antonio Luna.
Maugong ang balitang kinausap na raw ni Mayor Lim si Cesar bilang running mate sa darating na eleksiyon. Hindi itinanggi ng actor na totoo ngang may ganu’ng offer pero wala pang final ang kanilang usapan. Mas gusto raw niyang gawin muna ang bio-film ng mayor ng Maynila. Diretsong sinabi ni Buboy na wala siyang plano ngayong tumakbo. Mas binibigyan niya ng priority ang paggawa ng pelikula kaysa ipagpalit ito to run for public office.
Visible ngayon si Cesar sa telebisyon as host ng artista search sa TV5. Pa-ngarap niyang makasama sa isang sitcom si Maricel Soriano na mala-John En Marsha ang format. “Buboy En Shirley” ang title na gusto niya.
“Pinoy na Pinoy ang dating, ‘yung makare-relate ang masa. Nasa squatter pero high-tech ang gamit sa loob ng bahay. May Donya Delaila at may Matutina. Iri-revive ko lang ‘yun, gagawin lang nating makabago,” excited na turan ni Buboy.
Pansamantala munang magho-host si Cesar habang inaayos ang bigger project na gagawin niya sa TV5. Ayaw muna niyang magbigay ng detalye kung anong show ang gagawin sa Kapatid Network. Wala raw siyang reg-rets kung iniwan niya ang Kapuso Network.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield