NAKAPANGHIHINAYANG NA SA paghihiwalay din yata mauuwi ang magandang pagasasama nina Cesar Montano at Sunshine Cruz. Ang gaganda pa naman ng kanilang mga anak, lalo na ang panganay na nakasama ni Buboy (palayaw ni Cesar) sa isang commercial.
Cesar is still mum about it, at naghihintay lang daw ng tamang panahon para aminin na hindi nangyari ang muli nilang pagkakasundo, tulad ng inaasahan ng lahat ng nagmamahal sa kanila.
May kinalaman diumano sa madalas nilang ‘di pagkakasundo ang pang-aaway in public ni misis sa mga nali-link sa kanyang asawa. Dagdag na balita rin ang pagpapa-interview niya sa mga talks shows at movie press, sa halip na silang mag-asawa na lang ang nakaaalam nito. Mas madaling mamatay ang apoy, kaysa maraming nakaaalam.
May nagsasabi rin na nakaaapekto kahit kaninong mag-asawa ang hindi pagkakasundo ni misis sa mga kamag-anak ni mister, lalo’t nakarating pa sa husgado. Closely knit pa naman daw ang pamilya ni mister lalo na noong binata pa ito. As a matter of fact, takbuhan ni mister ang kanyang nakatatandang kapatid kapag kailangan niya ang payo at tulong nito.
Ano nga ba ang nangyari at uminit na naman ang balita. Biglang nanahimik si misis, lalong-lalo na si mister?
Sana’y may mamagitan sa kanila, para maiwasan ang lungkot na nadarama ng showbiz sa isa pang kapamilya couple na naghihiwalay o naghiwalay na nga ba?
NAABUTAN KO PA ang Tayong Dalawa noong Biyernes, kahit maaga akong umalis sa grandeng thanksgiving party nito sa Events Place sa Tomas Morato.
Totoo ang sinabi ni Kim Ciu, na kaabang-abang ang bawa’t episode ng teleseryeng inaabangan ng lahat mula sa Metro Manila hanggang sa maliit na baryo namin sa Danacbunga sa Botolan, Zambales.
Kung awang-awa ang televiewers kay Jake Cuenca nitong nakaraang lingo, bumawi naman si Gerald Anderson. Iyak nang iyak ang mga kasama kong nanonood lalo na nang saksakan ng pampatulog si Gerald dahil nalaman na nitong nagpakasal nga si Kim kay Jake. Nakatulong pati ang make-up ni Gerald para magmukhang namula siya sa sobrang galit at nanginig ang kanyang katawan sa tindi ng pagdaramdaman.
Hindi na ngayon makapagdesisyon ang buong madla kung kanino kina Gerald at Jake ang posibleng manalo ng best actor award sa susunod na award-giving bodies for TV.
Hindi nagpapahuli si Helen Gamboa na lutang na lutang nang gabi ring iyon both sa presscon at sa TV. Sobra sa taray ang ganda ni Helen sa semi-formal dress na suot niya. Reynang-reyna ang dating niya, with matching earrings at bracelets. Nakaka-shock din ang revelation ni Helen sa TV na siya ang pasimuno ng lahat ng kaguluhan sa kanyang pamilya. Only a mother (to Agot) can do such horrible things para maging maligaya ang kanyang nag-iisang anak.
In a previous interview, na-shock din si Helen sa script na inihanda sa kanya nang araw na iyon. “Hindi namin alam kung ano’ng mangyayari , lalo’t maseselang eksena sa nalalapit na pagwawakas ang ginagawa namin ngayon. Malaking ordeal ang instant preparation na gagawin namin, but I love the challenge, at inuulit-ulit ko lagi na I’m so happy I accepted this role.”
BULL Chit!
by Chit Ramos