I’m no fan of President Rodrigo Duterte. Hindi rin ako “dilawan”. Opinionated lang ako sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid ko at sa bansa. Makikita at mababasa mo naman ito sa mga isinusulat ko sa mga column ko at sa social media accounts ko.
Last week, double treat ang mga kaganapan para sa Duterte followers na pampangiti naman sa mga anti-Digong followers.
Habang tahimik si Mocha-chang sa kanyang kakukuda, si Sandra Cam naman, umeksena sa NAIA VIP Lounge, na matapos maglabasan ang mga balita sa dyaryo at naging viral, sinundan naman ng reklamo ng ilang employees ng Tourism Promotion Board (TPB), promo arm ng Department of Tourism(DOT), na pinamumunuan ng kanilang Chief Operating Officer na si Cesar Montano.
Napag-alaman namin ang istorya last weekend bago pa man pumutok ang balita sa media last Monday.
Nang lumabas ang balita, nagtanung-tanong kami sa ilang mga kaibigan sa mga taga-travel industry na mga kakilala ko. Nag-react sila sa lumabas na balita tungkol kay Cesar sa opisina na pinamumunuan niya.
Say ng isang kakilala sa travel industry, “Tama lang na magreklamo ang mga tauhan niya because it’s almost summer, si Cesar, wala pang tulong na ginagawa sa promotion sa local destinations na siyang first and foremost responsibility niya as COO of the TPB.”
“Kawawa ang local tour operators and agents. It’s March at papasok na ang Holy Week. ‘Di pa siya nag-uumpisang gawin ang dapat ginawa na niya,” sabi naman sa amin ng isang local tour operator from PHILTOA, samahan ng mga inbound tour operators.
Nagtataka lang ang ilan sa travel industry kung alam ba talaga ni Cesar ang mga responsibilidad niya sa kanyang opisina.
“Kung palpak ang TPB na marketing and promotion arm ng DOT, palpak ang tourism natin. Dapat ‘yong may alam sa promotion and tourism ang inilagay ni President Duterte sa position niya at hindi siya,” sentimyento ng isang kaibigan ko na tour operator that specializes in inbound Korean and Japanese tourists.
Sa reklamo ng ilan niyang staff na inihain sa Presidential Action Center, ang bilang namin ay may 24 na reklamo laban kay Cesar.
Kabilang sa reklamo ay ang pag-sponsor ng TPB sa concert tour ng JaDine (James Reid and Nadine Lustre) sa Amerika at UAE na pinabulaanan naman ng Viva, at sinabing walang gano’ng deal.
Ayon sa formal complaint, nag-sponsor ang TPB ng P12 million sa kabila ng negative recommendation ng marketing communications department sa project ng dalawang teen stars.
Bukod dito, kasama rin sa complaint ang pagpasok sa kasunduan ni Montano with Carat Philippines na nagkakahalaga ng P11.2 million, kung saan nag-perform din siya kasama ang kanyang pamangkin. Nang pumutok ang balita last Monday, pina-hold naman ng TPB ang payment sa Carat.
Kasama rin sa reklamo sa pagtatalaga ni Cesar ng kanyang mga kaibigan at kapatid sa iba’t ibang position sa TPB, gayong may mga taong nakapuwesto roon.
Sa reklamo, special mention sina Virgilio Collao na isang stuntman at actor, Clifferson Mendoza (pamangkin ng misis ng kapatid niyang si Rommel Montano), Gestine Kylie Olarte na anak ng bestfriend ni Cesar, at Perfecto Realino na childhood friend ni Cesar.
Ang tatlo pang pangalan na kabilang sa nabanggit na reklamo ay sina Priza Cinco, Rommel Montano, at isang Peter Domingo, under the co-terminus and confidential category na discretion ni Cesar na italaga kahit hindi Civil Service eligible ang mga ito sa position.
Kaloka, kung demolition job man ito sa mga kilalang kaalyado ni President Duterte. Nauna si Sandra Cam sa kanyang eksena sa NAIA VIP Lounge at pagwawala na idini-deny niya. Sinundan naman ito ng reklamo laban kay Cesar last Monday.
Sa maikling panayam ng news media kay Cesar recently, pinabulaan niya ang mga nabanggit na akusasyon.
Bukas ang kolum namin para sa panig at depensa ni Cesar.