Tapos na ang 2015 MMFF at aware si CESAR MONTANO, isa sa mga bida ng TV series na “Bakit Manipis Ang Ulap?” ng TV5 at Viva Communications Inc., na hindi akma ang seryosong pelikula para sa taunang MMFF.
“Hindi aangkop ‘yung mga pelikulang seryoso rito sa Metro Manila Film Festival. Hindi dapat ganu’n kaseryoso, dapat pambata lang talaga.
“Hindi kasi ito katulad ng mga film festival sa abroad na lahat ng art film at ‘yung mga importante at seryosong pelikula ay rito isinasali. Itong sa atin ay kakaibang festival ito. Ito’y komersyal, pambata, ganu’n lang po natin dapat iti-treat ito.
“Lalo na in our case, tinanggalan kami ng mga sinehan sa napakaimportanteng araw which is Sunday, eh, that was the day of awards night (Dec. 27). Masakit po para sa producer namin ‘yon. Hindi po dapat ginagawa ‘yon. Dapat po ayusin ‘yon, dapat po magkaroon ng equality sa treatment ng bawat pelikula ng producer,” dire-diretso niyang pahayag.
Nawalan na ba siya ng gana na sumali ulit sa susunod na MMFF season?
“Hindi naman sa nawalan ako ng gana, dapat lang sigurong ituwid ‘yung mga maling nangyayari sa Metro Manila Film Festival katulad nga nu’ng inaalisan ng mga sinehan ang pelikula.
“Kung maaayos yan at sana nga maayos talaga, sasali ulit ako. Kasi mahal ko ang industriyang ito. Sino pa bang magmamalasakit dito kundi tayo ring mga taga-showbiz industry,” aniya.
La Boka
by Leo Bukas