Umapela ang aktor na si Cesar Montano sa publiko na huwag paniwalaan ang akusasyon laban sa kanya, dahil anonymous umano ang pinagmulan ng reklamo.
Ayon kay Cesar na tumatayong Chief Operating Officer ng Tourism Promotions Board (TPB), isa lamang umanong paninira at walang basehan ang reklamo ng mga hindi nagpakilalang empleyado ng ahensya laban sa kanya na ipinarating sa Presidential Action Center.
Sinabi ni Cesar na noon pang Disyembre ay may balak na ang ilang mga empleyado ng TPB upang pigilan siyang ibulgar ang mga anomalya sa nasabing ahensya.
Sa isang panayam, sinabi ng actor na, “The allegations made against the Office of the COO, through a complaint filed anonymously, are baseless and untrue.”
May idea ba siya kung saan nanggaling ang nasabing isyu o paratang sa kanya?
“Actually meron na. Pero hindi pa kami sure kung siya na talaga…” sabay natigilan ang actor.
Dugtong pa niya, “Basta ako, alam ko sa sarili ko na hindi tayo lumalabag sa batas at pinanghahawakan ko rin siyempre ang malaking tiwala ng ating Pangulong Rodrigo Duterte.”
Si Cesar ay inerereklamo dahil umano sa mismanagement ng ahensiya at sa posibleng korapsyon.