MATINDING DEBATE ANG magaganap sa Supreme Court bago nito ilabas bukas ang desisyon kung pahihintulutan ba o hindi ang hiling ng mga Arroyo na ibasura ang Watch List Order ng DoJ na pumipigil sa kanilang pangingibang-bansa.
Sa ganang akin, hindi dapat makaalis ng bansa sina dating pangulong GMA at ang kanyang asawa hangga’t hindi natatapos ang mga usaping legal laban sa kanila.
Ang siste, parekoy, hindi ang ating opinion o maging ang kagustuhan ng Malakanyang ang mangingibabaw sa isyung ito. Bagkus ay kung ano ang sinasabi ng ating mga batas.
Huwag kalilimutan na ang mga batas na umiiral ang dahilan kung bakit tayo tinawag na demokratikong bansa. Hindi ang kagustuhan ng anumang departamento ng pamahalaan, grupo, personalidad at/o political party.
“We are a government of laws and not of men”, ‘ika nga. Dahil dito, halos alam na natin kung ano ang magiging desisyon ng Korte Suprema.
Ang hiling noon nina GMA sa Department of Justice ay pahintulutan itong lumabas at magpagamot sa ibang bansa.
Pero tinanggihan ito ni DoJ Sec. Leila de Lima, dahil sa hinala na, 1) Hindi naman ito malala; 2) Maaaring gamutin dito mismo sa ‘Pinas ang kanyang sakit; at 3) Posible itong hindi na bumalik sa bansa upang tuluyang takasan ang kanyang mga kaso.
Ang siste, parekoy, hindi na ang mga isyu ng 1) Sakit, 2) Doktor na gagamot at 3) Pagtakas nina Arroyo ang kasalukuyang nakahain sa SC, kundi… “May legal ba na basehan ang Executive Department upang pigilan sina GMA na lumabas ng bansa?”
Sa ating mga umiiral na batas, maliwanag na hindi maaaring pigilin ang pangingibang-bansa ng sinuman maliban sa kadahilanan ng 1) National security, 2) Public order at 3) Public health.
Ang ibig kong sabihin, parekoy, kapag hindi napatunayan nina De Lima na may isa man sa tatlong ito na matatagpuan dito sa isyu nina Arroyo…
… Masakit mang isipin ngunit tiyak na papayagan ng SC na lumabas ng bansa sina Arroyo.
At ito ang dahilan kung bakit mismong sina Senators Enrile, Drilon, Santiago, Angara, atbp ay pumapayag na umalis sina Arroyo.
Ang batas, hindi man ako o tayo sumang-ayon ay mananatiling batas na dapat ipatupad kanino man.
At dahil nga hindi rin ako sang-ayon na umalis sina Arroyo, ang magagawa ko na lang ay magdasal na sana isang araw ay repasuhin ng ating mga mambabatas ang tungkol sa batas na ito.
Pero sa ngayon, parekoy, aminin natin at nina P-Noy na walang batas na pumipigil sa mga Arroyo. Huhuhu!
At siyempre, magagalak ang mga Arroyo dahil makalalabas sila ng bansa! Hak, hak, hak!
Kung babalik man sila dito o tuluyan nang tatakas, ay nauumay na ako sa kapapakialam sa kaso nila samantalang wala nga akong masaing! Letse!
DAPAT LANG NA silipin ni PNP Director General Nicanor Bartolome itong sumbong ng mga taga-Masbate na talagang talamak na sa lalawigang nabanggit ang illegal fishing.
Ang mga sangkot, ayon pa sa mga sumbong ay ang mismong PNP Provincial Director at ilang tao na malalapit sa puso ni Gov. Rizalina Seachon-Lanete.
Kilos na po Gen. Bartolome hangga’t may aa-butan pa tayong dilis sa Masbate! Now na!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303