HINDI RIN PAHUHULI sa kasikatan ni Santino si Cha Cha Cañete. Bakit ‘kamo? Top rated show ang sinasalihang Goin’ Bulilit. Super-cute, magaling magpakuwela at mahusay sa timing sa harap ng kamera ang batang ito kaya kinagigiliwan ng manonood ang kanyang show. Palibhasa outstanding ang kanyang performance as a child star kaya agad binigyan ng bagong show ng ABS-CBN, ang Kulilit na pambata pa rin.
Katunayan nga, in-demand na rin sa pelikula si Cha Cha, una niyang nakasama si Gov. Vilma Santos, Luis Manzano sa In My Life ni idinirek ni Olivia Lamasan. Sinundan naman nito ng Wapakman ni Manny Pacquiao na kalahok sa Manila Film Festival this December. Mamahalin ninyo siya sa A Journey Home kung saan anak ni Toni Gonzaga ang papel na kanyang ginagampanan.
Sa totoo lang, nakatawag-pansin sa amin ang magandang boses ni Cha Cha habang kumakanta sa press launch ng Philips lighting products. Bukod sa mahusay kumanta, magaling pang umarte. Naging curious tuloy kaming makilala ng personal ang bagong child wonder. Lista kung sumagot kahit five years old lang siya, aliw naman kaming nakipagkuwentuhan sa kanya.
Commercial model rin si Cha Cha ng Camella Homes. Bukod sa talent fee na natanggap niya rito, niregaluhan pa siya ni Senator Manny Villar ng dollhouse. Thanks to Erik Matti na siyang naka-discover sa kanya sa Starbucks ng ABS-CBN. Agad binigyan ng break ni Direk at nakapasok sa Goin’ Buliliit. Knows niyang sikat na siya dahil sa dami ng fans na nagpapa-autograph sa kanya tuwing namamasyal sila sa mall.
EXCITED PA NAMAN kaming marinig umawit ng live si Arnel Pineda kaya lang, tumangging makipag-duet sa kanya si Joey Generoso ng Side A Band sa grand opening ng Empire Superclub sa Metro Walk ni Mr. Mike Spiotti. Say ng lead vocalist, “Bisita lang ako rito.” Nabanggit kasi ni Arnel na nakapag-duet na sila ni Joey noon (same venue) at kinanta nila ang “Open Arms” at “I Don’t Wanna Miss A Thing.” Feeling insecure tuloy ang naging dating niya sa press people.
Bukod sa pagkanta, busy rin ang international singer sa kanyang Arnel Pineda Foundation. “Natutuwa nga ako sa ating mga kababayan sa US, nagbigay sila ng support sa aking foundation. Gusto kong tulungan ang mga batang-lansangan na magkaroon ng edukasyon para sa maganda nilang kinabukasan. Alam ko ang kanilang pinagdaraanan dahil naging batang-kalye rin ako noon. Walang sariling bahay, kung saan-saan nakikitulog at kung minsan sa Luneta. Ngayon ako naniniwala na lahat tayo’y may pag-asa sa buhay. Pagsisikap, tiyaga at pananalig sa Panginoon ang kailangan natin para marating ang ating mga pangarap,” pahayag ni Arnel na walang ka ere-ere sa katawan.
Special guest din si Jimmy Bondoc ng gabing ‘yun sa Empire Superclub. Kinumusta namin ang tungkol sa kanila ni Nina. “Kung anuman ‘yung gusot na nangyari sa amin, okey na kami ngayon, nakakapag-usap na kami, sinasagot na niya ‘yung text ko. ‘Yung tungkol sa lupa na binili namin, hinati na sa aming dalawa. “Yung sa akin, pinatatayuan ko na ng bahay, ‘yung sa kanya, next year yata sisimulan,” nakangiting paliwanag ni Jimmy.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield