NAG-SIGN na rin sa wakas ang komedyanteng si Chad Kinis ng movie contract sa Viva Films, ang kompanya nina Boss Vic, Vincent at Veronique del Rosario. Matagal din niya itong hinintay at hindi niya naisip na darating pa pala.
Ka-join ang beauty ni Chad sa 2019 MMFF movie nina Vice Ganda at Anne Curtis na The Mall, The Merrier kung saan co-producer ang Viva with Star Cinema at sa upcoming film na #Tililing na ipapalabas naman next year.
Eh, ano ba ang reaksyon niya kapag sinasabing siya ang susunod na Vice Ganda?
“Naku hindi po. Kasi wala na pong magiging next Vice Ganda. Kasi Vice Ganda is the epitomy of greatness and discipline of the comedy world.
“Yon po ang tingin ko sa kanya, eh, kasi kung alam n’yo lang po kung gaano kadisiplinado si Vice lalo na sa kanyang craft. Iba siya. Kaya nga yung narating niya deserve na deserve niya yon,” sambit pa niya.
Dagdag pang paliwanag ni Chad, “If I’m gonna be like sasabihin na I’m gonna be the next Vice Ganda napakakapal naman po ng mukha ko. Kasi hindi mo matatawaran po ang galing ni Vice, eh.
“I’ve witnessed it first hand, I’ve been with her for the several years at alam ko na hindi magkakaroon ng susunod na Vice Ganda. The only thing that I want to happen is there will be a Chad Kinis, yon po yung pangarap ko – not to be like Vice Ganda. I just want to be me. I want to be acknowledged for who I am.”
Bago naging contract star ng Viva Films ay napanood si Chad sa box-office movie na Jowable na pinagbibidahan ni Kim Molina. Nagsimula din siya noon bilang jester sa mga shows ng sikat na Viva artists bago nag-join sa Miss Q and A ng It’s Showtime at naging grand finalist.