SI CHARLIE Chaplin ang hari ng silent movies nu’ng dekada ‘50. Mga pelikula niya’y puro rin katatawanan. Ngunit may pagkakaiba. Karamihan sa mga ito ay satire o batikos sa social inequities at eksploytasyon ng human rights nu’ng pahanong ‘yun. Sa ganitong pananaw, si Chaplin ay isang social critic at philosopher. Ang naging misyon niya ay i-caricature ang kasamaan ng tao at mundo sa pamamagitan ng satire at humor. Ganyan ang kanyang kadakilaan.
Maituturing nating isang Filipino Chaplin ang pumanaw na Dolphy. Ang kanyang kadakilaan ay hindi sa pinatawa at pinasaya tayo nang mahigit na anim na dekada. Sa paksa ng kanyang pagpapatawa, ibinunyag niya ang tunay at lihim ng puso at espiritu ng Pilipino: matiisin, mapagwalang-bahala, mapagmahal, pusong-mamon at ‘di makasarili. Ehemplo ng mga ito ay ang TV series na “John En Marsha” at “Home Along the Riles.” Apat na dekadang panauhin natin sa tahanan linggu-linggo. Sama-sama ang pamilya sa panonood, sabay-sabay na tumatawa, naiinis at lumulukso sa galak at galit.
Kagaya ni Chaplin, dito nakasalalay ang pambihirang kadakilaan ni Dolphy. Irreplaceable icon ng Filipino humor at resiliency.
Dating at alis ng iba’t ibang uri ng komedyante. Ngunit sina Chaplin at Dolphy, kailanman ay ‘di dumating o umalis sa ating paligid. Sapagkat sila’y kaakibat na ng puso at kaluluwa ng nilalang. Mapusok, mapahangas, matiisin, mapagmahal. The angel and devil of human nature. Ngunit sa lahat-lahat ay isang obra maestra ng Maykapal.
SAMUT-SAMOT
HILONG-TALILONG ANG administrasyong P-Noy. ‘Di malaman ang prioridad o kung ano ang uunahin. Sa Scarborough issue, nagkalat tayo. Biro mo, pinakikiusapan ni P-Noy ang U.S. spy planes na magmanman sa Scarborough Shoal. Ganyan din sa mining controversy. Ang EO 64 ay mainit pa ang batikos. ‘Di raw realistic. Sa kabuhayan lalo na. Ang NEDA glowing statistics ay ‘di makaaalis ng hapdi ng gutom ng milyun-milyong dukha. Shortage pa rin ng teachers at school houses ang taunang problema. Mas malubha sa peace and order. Kaliwa’t kanan ang criminality at violence. Wala nang safe na lugar maski sa loob ng bahay. Kapalaran ng OFWs ay lalong lumulubha . Puro reaksyon, walang pro-active sa mga problema. Kayo kasi. Cory! Cory! Cory! ‘Yon nakoryente.
ACTOR CESAR Montano, tatakbong bise-alkalde ng Maynila? Matunog ang balita. Kung totoo, no match siya kay Vice Mayor Isko Moreno. Born loser sa pulitika si Cesar. Tatlong ulit nang tumakbo (mayor, governor, senador) talo. Wala nang TV shows o patok na pelikula. At taga-saan ba talaga si Cesar?
MAHIGIT NA 300 empleyado, matatanggal ‘pag sarado ng Ford Motors plant sa Biñan next month. Nalulugi ang kumpanya. ‘Di nabanggit kung saang bansa lilipat. Embarrassment ito sa bansa. Nangangahulugang ‘di healthy ang ating ekonomiya. Ano ang pinagdadada nina P-Noy at NEDA?
WHOOPING P36 bilyon ang kinita ni Danding Cojuangco sa pagbebenta ng kanyang majority shares sa SMC. Nananatili pa rin siyang Chairman at CEO ng dambuhalang korporasyon. ‘Di ito lang ang kayamanan ni Danding. Kung sakaling mabuhay pa siya ng 50 taon – 75 anyos na siya ngayon – mauubos pa ba niya ang mga kayamanang ito. Palobo pa nang palobo dahil sa interes (kung ilalagay lang sa bangko) ang halaga. Bakit may iilang tao ang labis na masuwerte sa buhay? Samantala, lumingon tayo sa paligid. Hubad na gutom at kahirapan ng milyun-milyon. Tila ‘di patas ang kapalaran.
GANITO RIN ang sitwasyon ng iba pang bilyonaryong kagaya ni Henry Sy at John Gokongwei. Kahit ‘sang libong taon silang mabuhay, ‘di nila mauubos ang kani-lang kayamanan. Sana’y mamahagi sila sa mga alipin ng kahirapan o institusyon na kumakalinga sa mahihirap. ‘Di madadala sa hukay kahit isang kusing.
OUT OF taste ang pagpalabas ng ABS-CBN Bantay Bata Program ng isang 2-year old na bata na halos may isang kalaki ng bola ang bukol sa mukha. Inihihingi nila ang pobreng bata ng tulong. Ay, mga Lopezes, labis na kayong nakapagpasasa sa publiko nu’ng hawak n’yo ang Meralco. Bilyon ang nakamal ninyo. Kayang-kaya ninyong ipagamot ang bata.
NAPABALITA NA nu’ng 1977, bumili na ng ataul ang nasirang Dolphy. Pati ternong puti niyang isusuot, binili na rin kuntodo panyong pula at puting sapatos. Talagang may morbid foresight ang mahal nating comedian. Si dating Pangulong Erap ay nagpagawa na ng mausoleum sa kanyang Tanay resthouse. Ewan ko lang kung pati ataul ay inihanda na niya. ‘Di masamang ideya.
KAHIT ANONG kapal ng dilim, ‘di maaaring walang hibla ng liwanag. Ganito dapat ang pananampalataya sa buhay, sa mga hamon, kasawian, kamatayan at marami pang sakuna. Mahirap mawalay sa mga minamahal; mahirap mabigo sa mga pangarap; mahirap maging biktima ng kataksilan. Lahat ay dumaraan sa ganitong kabanata sa buhay. Walang nakaliligtas. Kung wala kang matibay na hinahawakan, saan ka tutungo? There must be a Higher Power to succor us and give us strength and hope. Lord, help me in my belief (?).
PAYO NG isang matandang kaibigan: Sa ‘yong mga minamahal, araw-araw ulitin mong sambiting minamahal mo sila. Walang nakasisiguro. Narito ka ngayon, wala na bukas. Napakaikli ng buhay. Dating beauty queen at activist, Maita Gomez, 65, namatay kamakailan sa pagtulog. Napakagandang pagkamatay. ‘Di na naghirap at wala nang pahihirapan. Kung anong uri ng kamatayan, dinirinig ang iyong dasal.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez