Cardiac arrest ang ikinamatay ng character actor na si Dick Israel (Ricardo Vizcarra Michaca sa tunay na buhay) noong Martes ng gabi, October 11. Si Dick ay 68 taong gulang.
Kumalat ang balita matapos ipaalam ni Vivian Velez sa publiko, sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, ang sinapit ni Dick.
Sabi ng aktres sa kanyang post, “Remembering his wonderful and gentle soul will forever remain in our hearts. A good heart has stopped beating, a good soul ascended to heaven. RIP Dick Israel.”
Sa pamamagitan din ng Facebook nalaman ng publiko ang hindi na maayos na kundisyon ng kalusugan ni Dick, kung saan hirap nang kumilos at magsalita ang aktor bunsod ng pagkaka-stroke noong 2010. Nag-viral ang kanyang litrato na in-upload ng isang netizen.
Ilang celebrities naman ang nagsama-sama para makatulong sa kalagayan ng aktor.
Kilala si Dick sa kanyang character roles at pagiging kontrabida sa action films, kung saan huli siyang napasama sa pelikulang “Boy Golden” noong 2013.
Pinarangalan siya ng Metro Manila Film Festival ng dalawang Best Supporting Actor trophies para sa mga pelikulang “Patrolman” (1988) at “Kanto Boy: Anak ni Totoy Guwapo” (1994).
Mahigit sa 300 daan proyekto sa telebisyon at pelikula ang nagawa ni Dick mula nang pasukin niya ang pag-aartista noong 70’s.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores