HINDI RAW nagiging mapili sa tatanggaping role si Valenzuela City councilor Charee Pineda. Medyo napagod daw siya matapos ang magkasunod na seryeng ginawa niya sa GMA 7 na Sa Akin Pa Rin Ang Bukas at The Borrowed Wife kaya ginusto niyang magpahinga muna.
Dapat sana ay kasama siya sa pelikulang Kamkam na kapapalabas pa lang. Pero tinanggihan niya ‘yong role na napunta kay Jackie Rice. Ayon sa napabalita, ito ay dahil masyadong daring daw ang nasabing role na may lovescenes with Allen Dizon and Kirbie Zamora kaya niya tinanggihan.
“Hindi naman,” aniya. “I just have to choose. Kasi, medyo napagsabihan ako ng mayor namin na kailangan… kasi ikinonsulta ko kasi sa kanya. Dahil may Sitio Kamkam kasi kami sa Valenzuela, e. Kaya kailangan medyo mag-ingat ako. So ‘yon, kailangan kong pumili. Mahirap lang kasi na mag-go ako sa isang project tapos pagdating ko sa set, saka ako magsi-set ng demands. Kaya kailangan kong pumili bago mag-start ‘yong shoot ng pelikula.
“Hindi lang dahil sa mga intimate scenes na niri-require no’ng role. Dahil na rin sa… siguro konsehal ako tapos ‘yong story medyo kontra sa ano ko, kaya kailangan ko talagang pumili. Kailangan talagang i-balance, e. Kailangan kong i-balance din naman.
“Kasi ang showbiz din naman, ayoko namang magkaroon din ako ng problema sa mga kasamahan natin. Kasi maliit lang ‘yong mundo natin. Baka mas magkaroon kami ng problema. At saka mabait ‘yong production ng Kamkam,” pagtukoy niya sa Heaven’s Best Entertainment na siyang nag-produce ng nasabing pelikula. “Kaya sobrang nakakahiya rin na mag-ano…”
Unang term pa lang ni Charee bilang Konsehal ng Valenzuela. Itutuloy lang niya ito hanggang sa ikatlong termino kung susuportahan pa rin siya at ibuboto ng kanyang mga constituents?
“Sana. Ipagpi-pray ko na magtuloy-tuloy!” tawa ulit niya.
Pinagbubuti raw niya ang kanyang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang councilor. Ang mga committee na hawak niya… “Chairperson ako Anti-Drug Abuse Council. Panlalaki. Tapos Chairperson din ako ng majority member ng Committee on Education. At saka ng sa Arts And Culture. Bina-balance ko talaga ang showbiz at ang politics. Kasi parati akong tinatanong kung pumili ako… showbiz ba o politics na lang? Mahirap pumili sa parehong field na nag-i-enjoy ka. Kasi dati sabi ko… pagod na kong mag-taping, ayoko na. Pero kapag wala na akong taping, nami-miss ko namang mag-taping. Mahirap talagang pumili. Kaya… time management lang talaga. ‘Yon!”
Kumusta naman ang estado ng kanyang lovelife ngayon? “Mabuti! Mabuti naman,” nangiti niyang sagot.
Meron na siyang bagong special someone matapos ang matagal-tagal ding panahon ng pagiging loveless? “Meron. Pero he’s not from showbiz.”
Politician ang boyfriend niya ngayon? “Hindi po. And… mas tahimik yata ang buhay ko kapag wala sa showbiz! Hahaha! Selosa akong masyado kapag artista ang karelasyon ko!” biro pa niya.
Gaano na sila katagal na mag-on ng boyfriend niya ngayon? “Bago pa lang po. Bago pa lang. Relax lang kayo! Hahaha!”
Hindi pa niya masasabi na… he’s the one? “Ay, hindi pa. Wala pa. Saka na. Masyadong excited naman agad!”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan