ISANG ARAW matapos ang kanyang exclusive na pag-amin sa The Buzz na tomboy siya, inamin ni Charice na parang nasa cloud nine siya at finally, nakalaya na sa mga intriga at espekulasyon sa kanyang kasarian.
Sa ulat InterAksyon.com last Monday, June 3, sinabi ng tinaguriang ‘most talented girl in the world’ na parang bumalik daw siya sa pagkabata.
Aniya, “Alam mo, para akong batang gusto ko agad lumabas tapos magtatalon tapos sige halika party party na tayo! As in bumalik ako sa pagkabata. As in malaya ako na walang problema.”
Naganap ang panayam sa media ni Charice sa charity event nito sa dati niyang eskuwelahan na Gulod Elementary School sa Cabuyao, Laguna kung saan nagsagawa ito ng gift-giving ng school supplies at libreng gupit.
Ito raw ay bahagi ng kanyang pasasalamat sa kanyang paaralan kung saan dito raw niya nalaman noon na iba ang kanyang sexual preference. “Maraming alaala. Mga naging crush ko, Chos.”
Pag-amin pa niya, bata pa lang daw talaga siya ay alam na niya kung ano siya paglaki. “Five years old po ako nang ma-realize ko.”
Ano naman kaya ang nagtulak sa kanya na finally ay magsalita na siya sa telebisyon kahit na ilang buwan din siyang hinahanapan ng kasagutan ng media at mga taga-hanga? “May naririnig kasi ako sa ibang tao na gano’n kaya siya? Shivoli bang bang kaya siya? Kahit naririnig ko ‘yun na-feel ko na ok naman sa kanila. So sa mga reaksyon nila na ‘di pa nila alam pero ‘andu’n ang pagtanggap nila, it’s about time sabi ko.”
Inamin ni Charice na ang kanyang pagpapaiksi ng buhok at pag-iiba ng postura last year ay unang hakbang daw ‘yun ng kanyang pagka-come out. “Ang bigat sa feeling. Ang dami ko nakikitang negative comments. Nalilito sila. After nu’n naiyak ako, after ginupitan ng buhok ko… Parang ‘yun kasi ‘yung first step to freedom.”
Masaya naman daw siya na after niyang magsalita sa The Buzz ay nakatanggap siya ng maraming papuri lalo na sa social media hindi lamang mula sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. “Talagang lahat po. ‘Yung iba taga-LA, Rhode Island. Lahat iba-iba. Nanood sila, talagang sinabayan nila rito sa Philippines. Livestream kaya po nag-trending ako.”
Dagdag pa ni Charice, hindi naman daw niya itinago ang kanyang pagiging tomboy sa mga taong malalapit sa kanya, kahit na sa kanyang mentors na sina TV host Oprah Winfrey at composer-producer David Foster na nagsabi raw sa kanya na proud sila sa kanya at sinusuportahan nila ito hanggang sa ngayon. “Basta po ang lagi nilang sinasabi sa ‘kin, specially nu’ng nag-come out po ako sa kanila. Na-touch lang po ako kasi talagang sabi lang nila sa ‘kin… We’re proud of you.”
Samantala, sinabi naman nitong hanggang ngayon ay hindi pa maayos ang relasyon niya sa kanyang inang si Raquel kahit na inamin na niya rito 3 years ago ang kanyang kasarian. “Talagang kinonfirm ko po sa kanya nu’ng 18 po ako. Sobrang hirap nu’n, kasi nasa US ako, ‘andito siya. Sobrang takot ko. Na-accept ko na na baka maybe years bago niya fully matanggap.”
Kasabay ring humarap ni Charice sa media ay ang AKA JAM member na si Alyssa Quijano, ang sinasabing kasintahan diumano ng international singing sensation.
Suot din ng dalawa pareho ang kanilang singsing na simbulo daw ng kanilang commitment sa isa’t isa. “She’s like my everything.”
Namula pa raw si Charice nang ikinuwento niya ang nakasulat na tattoo sa ibabaw ng kanyang dibdib na inihandog daw niya kay Alyssa. Ang nakasaad sa tattoo ay, “LET’S START WITH FOREVER”.
Ikinukunnsidera raw ni Charice si Alyssa hindi lamang girlfriend kundi kapatid at best friend. “Siya na kapatid ko nagbibigay ng advice sa ‘kin… Best friend ko… Iba talaga ang tagal naming magkakilala.”
Sinabi naman ni Alyssa, siya at si Charice ay compatible daw sa maraming bagay. “Marami eh… Lahat ng bagay magkasundo kami.”
Sinimulan na raw di Charice ang kanyang pangtalong album sa bansa na karamihan daw ay cover songs na naglalarawan sa masalimuot na bahagi ng kanyang buhay. “Gusto kong i-record ang mga favorite songs ko na gagawan ko ng sariling version. Since na-discover ako doing covers, I wanna do that.”
Pinabulaanan naman ni Charice na tapos na ang kanyang karera sa pag-amin nito sa tunay niyang kasarian. Katunayan nga nito, malapit na rin daw siyang umalis ng bansa para sa nakatakda niyang Hollywood project. Meron din daw siyang offers mula sa Japan, Australia at Russia. “Hayaan mo na sabihin nila at makita nila. ‘Di ko naman kailangan gumising araw-araw at sabihin sa kanilang may ganito ako, may ganyan ako.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato