DINELETE NA NG international singer na si Charice ang kanyang Facebook Account. Imbes daw kasi na maging lugar ito para magbigay impormasyon sa kanyang latest projects at para maging close sa kanyang mga tagahanga, puro paninira ang natatanggap nitong mensahe sa kanyang mga kunwaring tagahangang nag-a-add sa kanya.
Super nega raw kasi ng mga mensaheng ipino-post sa kanya rito ng akala ni Charice ay kanyang mga loyal fans, pero hindi pala. Kaya naman ang ending, hindi nagdalawang-isip si Charice na ‘wag na lang magkaroon ng Facebook account nang sa ganu’n ay hindi na ito maging venue ng paninira sa kanya.
Kaya naman daw kung may mga makikitang Facebook account na Charice Pempengco sa FB, ipinapaalam ni Charice na hindi sa kanya ‘yun kundi poser lang, dahil nabura na raw nito ang sa kanya. Kabog!
MAGALING NA ANG Pinoy international singer/ Pinoy Canadian Idol at ngayon ay matagumpay na record/ concert producer na si Ramil Omosura na kamakailan ay isinugod sa hospital bandang alas-kuwatro ng madaling-araw.
Sobrang stress daw ang dahilan ng pagkakasakit ni Ramil dahil na rin sa sobrang pagtatrabaho. Kaya naman daw nanatili si Ramil ng ilang araw sa hospital para makapagpahinga.
Ngayon daw ay okey na ito at back to work para sa kanyang recording artist na si Samantha Albanese na malaki ang pagkakahawig sa hitsura at boses ni Anne Curtis na batang bersiyon nito. Bukod pa d’yan ang mga gigs ng kanyang mga naunang artists na namamayagpag ang career sa Canada at Amerika na sina Geena Geneza at Ethel Rose Amistad.
AWANG-AWA RAW SI Gerald Santos sa kanyang long-time crush na si Rhian Ramos na ‘di pa man siya nagso-showbiz ay talagang crush na crush na niya, dahil na rin sa intrigang kinasasangkutan nito with DJ Mo Twister. Tsika nga ni Gerald, kahit ano pang intrigang idikit kay Rhian, hindi magbabago ang pagkagusto nito sa dalaga.
Kaya naman hanggang ngayon, ang makasama pa rin sa teleserye o pelikula ang kanyang showbiz crush na si Rhian Ramos ang dream nito. Kung ang ibang artist ay papalit-palit ng kanilang crush, si Gerald ay consistent sa pagsasabing si Rhian pa rin ang laman ng kanyang puso’t isipan.
Hinayang na hinayang nga ito dahil hindi nila naisama si Rhian para maging espesyal niyang panauhin sa kanyang June 18 concert, ang Gerald Santos, Major Move, na gaganapin sa Music Museum, 8pm. Kung saan magiging espesyal na panauhin nito sina Wency Cornejo, Dance Squad Dancers at Joseph The Artist. Sa susunod niyang concert ay ire-request na niya sa kanyang producer na kuning guest si Rhian. ‘Yun na!
MARAMI ANG NAGSASABING future Drama King at Drama Queen ang GMA-7 freshest loveteam na sina Kristoffer Martin at Joyce Ching na magkasama sa numero unong teen show sa bansa, ang Tween Hearts, at sa nangungunang primetime show ng GMA-7, ang Munting Heredera.
Maraming naluha at nadala sa galing umarte ni Joyce sa Tween Hearts, kung saan tumakbo ang istorya sa kanya na sobrang drama at umaatikabong iyakan ang nasabing episode na talaga namang buong husay na nagampanan ni Joyce.
Tsika nga ng mga kapatid sa hanapbuhay, na among tweens, si Joyce ang masasabing pang-drama material, habang marami namang pinabilib si Kristoffer sa kanyang crying scene sa Munting Heredera na minani-mani lang nito.
Kaya nga raw bigyang importansiya at magandang solong proyekto ang dalawa na may temang drama ay makakagawa ang GMA-7 ng bagong tambalang magpapaiyak, iibigin at kakikiligan ng mga manonood.
John’s Point
by John Fontanilla