NAGTATAKA NAMAN ako sa sinasabi ng iba na maangas daw itong si Charice Pempengco mula nang makilala siya internationally. Iba raw itong magsalita na taliwas sa dating Charice na pa-girl pa ang image sa publiko.
Pati porma ng singer, pinakialaman ng bayan mula nang mag-out from her closet (hindi ganu’n kadali na porke’t tibo ka ay ganun-ganun na lang na sasabihin mo sa kaibigan, pamilya at sa mga fans mo kung anong preferred lifestyle mo).
Oo nga’t hindi porke’t iniluwal ka na may-ari ng babae, lalaki na dapat ang hanap mo na makatuwang sa buhay. Wala itong ipinag-iba sa dalawang matatanda mga edad 85 na nakatsika ko sa sementeryo noong Undas. Nasa harap ng puntod ng mahal nila sa buhay ang libingan naman ng lolo, dalawang lola at ama ko na recently lang namatay.
The usual tsikahan ng mga taga-probinsiya na ang tanong sa akin, bakit wala pa raw akong asawa’t mga anak at nasa edad na ako ng 52.
Sagot ko sa matanda: “Bakla ako (walang po or opo). Hindi mo alam?”
Sabat niya na may kasamang pagtataka habang nakatingin sa akin: “Ha? Ke guwapo mong binata bakit ka naging bakla?”
Napangiti ako, typical courtesy sa mga matatanda na imbis ma-high blood sa tanong niya, suwerte niya’t in-explain ko sa kanilang magkakapatid na ang itsura at tindig ko ay lalaki pero bakla ako.
Sabi ko, hindi porke’t lalaki ang itsura ko at may pototoy, dapat ang magiging kapareha ko at katuwang pagdating ng panahon ay babae.
Sa ilang minutong tsika with the two oldies, sabi ng isa: “Ganun ba ‘yun? Kaya pala ‘yong anak ko na nasa Pangasinan, nagtatrabaho kay Colonel (name withheld) halos kaedad mo eh, wala pa ring asawa. Wala nga akong apo sa kanya,” sabi ng matanda habang natawa sa sariling sinabi. “Bakla siguro ang anak ko,” dagdag niya.
Tulad ni Charice na nag-out from her closet, negative ang mga reaction ng publiko. Lalo na ang bashers niya sa social media. ‘Yong pagiging arrogante niya at paging straight forward, minasama ng Pinoy na sanay sa paikut-ikot na salita, hide and seek na laro, gayong puwede namang sabihin nang diretsahan.
Tama lang ang ganu’n. Ma-shock boogie na ang mga kababayaan ni Charice na ang paniniwala ay hindi na nag-level up. Kebs kung tomboy siya. ‘Yun siya at at ganu’n ang gusto niya, pakialam nga naman ng bayan for as long matino siyang tao at walang inaagrabyado.
Arogante? Hindi yata. It was my first encounter with her. May po at opo pa nga ang bawat sagot niya sa tanong mo na may paggalang. Ako mismo, naaasiwa sa mga salitang po at opo niya. Feeling ko, ang tanda-tanda ko na.
Noong tanghaling ‘yun, nabubura ang impression ko na hindi maganda sa singer, tulad ng mga mayabang daw sabi nila. Pero para sa akin hindi.
Siguro, tulad ko, straight forward lang si Charice. Hindi paliguy-ligoy. Hindi pulitiko, ‘ika nga, na marami pang satsat at kung ano man ‘yong isyu nila ng ina niya na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos, hayaan natin na sila mismo ang kusang mag-ayos. At least hindi sila tulad ni Gretchen at Mommy Inday na nagmumurahan na. Hindi naman kasi natin alam ang katotohanan at puno’t dulo ng lahat. Tayo’y mga miron lang at tagamasid.
Kaya nang sabihin ni Charice na nakaisang taon na sila ng partner niyang si Alyssa Quijano, kita mo sa mukha niya na masaya siya. Kami rin, happy sa kanya dahil sa loob ng isang taon at sa mga darating pang panahon, masaya siya at may makakatuwang sa pagbubuo ng mga pangarap niya at isama na si Alyssa.
Kuwento nga ni Alyssa, paborito ng partner niya ang paksiw na bangus. Mga maliit na bagay na nagpapatibay sa pagsasama nila.
Bukas, November 5, samahan natin si Charice sa One Voice, isang charity concert para sa mga nasalata ng lindol sa Bohol sa Resorts World Manila.
Oo nga’t tomboy man siya, keber ng bayan. Ang mahalaga may effort siya na tumulong sa kanyang kababayan. Charice is doing the concert for free kung saan kasama rin niya as performer sina Alyssa at ang Sazzy Girls na alaga ni Direk Jeffrey Tan ng BelHaus Entertainment.
Si Charice, lesbian. Mabuhay siya! Kita n’yo ang galing at matulungin ng mga nasa LGBT community. Yehey!
Reyted K
By RK VillaCorta