IDOL NAMAN DAW ng dalagang magse-celebrate ng kanyang 17th birthday sa Linggo (May 10) at Mother’s Day, na si Charice Pempengco sina Sarah Geronimo, Lea Salonga at Regine Velasquez.
Kaya nga sa tanong sa kanya sa launch ng kanyang second album under Star Records, ang My Inspiration, hindi maalis sa mga nakaharap ni Charice na maikumpara siya sa estado niya ngayon kay Sarah.
Sa obserbasyon ng marami, mas nauna pa ngang pumaimbulog si Charice sa international scene sa mga narating na niya roon, in terms of popularity, pakikipag-daupang palad with the likes of Ellen Degeneres, Oprah Winfrey, pati na kay Celine Dion at Andrea Boccelli at marami pang iba. Pang-masang Pinoy na nga lang daw ba ang gaya ni Sarah na idol ni Charice?
Magaling sumagot si Charice. Nagkataon lang daw ang pagsasabay-sabay ng dating ng suwerte sa kanya. Na siguro nga raw, kaya ibinigay na sa kanya ng Panginoon ang mga pagsubok, simula pa lang ng tatlong taong gulang siya (nang iwan sila ng kanyang ama), hanggang sa hindi manalo sa Little Big Star, na naaalala pa niya ang mga judges tulad nina Ai Ai delas Alas, Louie Ocampo at Kuh Ledesma, eh sa panahong ito siya masusuklian, para na rin sa kapakanan ng kanyang ina at kapatid na si Carl.
Ang maganda rin kay Charice, kahit na patakaran ng ilang mga agents sa Amerika na ipakilala ang kanilang mga discoveries na galing Asya bilang Latina o iba pang lahi, ito ang sinabi niya sa kanyang tumatayong manager doon na si David Foster na hindi niya ipagkakaila na siya ay isang Pinay.
At bakit ka naman hindi lalong magiging proud sa dalagang ito? Sa ceremonial first pitch na ginanap sa Dodger Stadium, siya pa ang pinakanta ng pambansang awit ng Amerika, ang Star Spangled Banner!
Kung si Charice daw ang nanalo noon sa Little Big Star, malamang na hindi rin ganito kalaki ang inabot niyang tagumpay. Dumating na nga raw siya sa puntong awang-awa na sa sarili. At mabuti na lang at malakas ang loob ng kanyang ina, at sa mga sinubukan pa rin niyang pagkanta, sino ang mag-aakala na may makakatisod nito para mailagay sa YouTube at mapansin ng mga nasa ibang bansa?
Sabi ko naman, madalas na nating makita na sa isang kontes, gaya ng kantahan, kung sino ‘yung hindi nagiging kampeon eh, siya ang umaariba ‘pag laon. Bakit? Kasi, mas doble o triple ang ginagawa nilang pagpupursige para lang mapatunayan na sila ang karapat-dapat na manalo. Hindi sila titigil hangga’t hindi nila naa-achieve ang gusto nilang abutin. Ang mga nananalo just rests on their laurels. ‘Di ba? Naging isang malaking hamon ito for Charice.
Kinukuha rin ng iba ang reaksiyon ni Charice sakaling mag-krus ang landas nila ng kanyang ama. Ang tangi lang daw niyang naaalala rito eh, base sa lumang litratong naiwan sa kanila. Kaya, hindi niya rin masabi ang mararamdaman niya.
Kung may mukha pang ihaharap ang ama ni Charice sa kanya at sa Mommy Raquel niya, makakagawa ito ng paraan. Pero ngayon, at her age, sabi nga, the world is at Charice’s feet na nakapagpatayo na ng 7-door apartment sa Laguna na pinauupahan nila, ibinili na niya ng bahay sa Tagaytay ang ina. At higit sa lahat, ang pangarap niyang isang white Expedition na ang sinasakyan niya!
The Pillar
by Pilar Mateo