IKINA-SHOCK NAMIN NANG sabihin ni Ms. Anna Puno (producer ng “As 1” nina Martin Nievera at Gary Valenciano sa US) na $100,000 na pala ang talent fee ngayon ni Charice per show abroad. Gusto kasi niyang kunin ang international Pinay singing sensation for a show sa US, kaya tinawagan agad ang Filipino manager na si Grace Mendoza at nagkausap naman sila.
Bukod sa TF, hindi pa sigurado kung kailan available si Charice dahil sa dami ng commitments abroad. Nasa waiting list ka pa kung anong month and date siya pupuwede. Hindi na siya nagulat, wiz niya afford ang TF (million pesos) ng magaling na singer kahit alam niyang kikita ang show nito abroad.
Hindi kinaya ng power ni Ms. Anna ang presyo ni Charice. Naiintindihan raw niya ang international singer dahil nasa mainstream na ito, kaya sa shows abroad sila palaging naka-book. Naging matagumpay ang kanyang international hit single na “Pyramid” kaya patuloy ang pagsikat nito sa ibang bansa.
Kahit ang Star Records ay hindi makapag-commit sa mga producers na nagnanais makuha ang serbisyo ni Charice dito sa ‘Pinas. Ang hirap daw i-schedule nito for a show. Sinabi naman ni Mommy Raquel na hindi rito magko-concentrate ang anak niya as a singer kundi sa US. Bukod sa dollars ang ibinabayad sa kanila, free tickets and hotel accommodation plus VIP treatment pa silang mag-ina. Sosyal, ‘di ba? Pakititigan ang kanilang outfit, pulos signature na ngayon, from clothes, bags and shoes. Afford na siyempre, ikaw ba naman ang kumikita ng milyones per show, natural lamang na i-enjoy nilang mag-ina ang kanilang pinagpaguran.
Ngayon, it’s official. Nasa cast na si Charice ng “Glee,” isang sikat na American musical television series na sinusubaybayan ng mga bagets. Hindi ba’t maging sina Sam Milby at Nikki Gil ay nag-submit din ng kani-kanilang videos last April pero pawang bigo ang dalawang Kapamilya stars.
Tanging si Charice ang Pinay na nakapasok na magkaroon ng recurring role sa pagbubukas ng new season ng musical series sa US. Maraming intriga ang kinaharap ng dalaga bago napasakamay niya ang musical TV series kaya pakiusap ni Mommy Raquel sa mga naninira sa kanyang anak na maging proud na lang sila. Hindi lahat ay nabibigyan ng chance na makapasok sa Hollywood. Maging si Lea Salonga ay nangangarap din na maging bahagi ng “Glee”. Kaya lang mother role na ang magiging papel niya if ever, ‘di ba?
TINANGHAL NA BIG winner ng PBB Teen Clash of 2010 si James Reid, 16 years old na Australian na may pusong Pinoy. Tahimik at mahiyain ang bagets na ito kahit nu’ng nasa bahay pa siya ni Kuya. Kung hindi mo kakausapin, hindi ito magsasalita. Unti-unting nakapag-adjust sa tulong na rin ng kanyang mga housemate, kahit pilipit sa pagta-Tagalog, pinilit niyang makipag-communicate sa mga ito.
Nang dahil sa pagiging totoo ni James sa kanyang sarili at mahusay na pakikisama sa mga housemate, kinagiliwan siya ng manonood. Nakakuha ang binata ng 179, 294 votes, o 19.79 percent ng lahat ng botong pumasok sa Big Six.
Bukod sa guwapo si James, marunong pang mag-gitara at kumanta tulad ni Sam Milby. Ito ang magiging daan niya para mabilis ang kanyang pagsikat. Bukas ang binata sa kung anong oportunidad na darating sa kanya.
Naging Second Big Placer naman ang South Korean na si Ryan Bang. Pangarap niyang maging artista at makasama sina Enchong Dee at Manny Pacquiao. Gustong maging komedyante, if ever na mabigyan siya ng break ng ABS-CBN. May sense of humor ang Koreanong ito, likas sa kanya ang pagiging kalog at masayahin kahit sa harap ng maraming tao.
Third Big Placer ang Cebuanang si Fretzie Bercede, Fourth Big Placer ang Cebuana ring si Devon Seron, Fifth Big Placer ang Fil-American na si Ivan Dorscher, at Sixth Big Placer ang American na si Bret Jackson.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield