OLACHIKKA………! ANG BUONG Pilipinas ay nakikiisa sa pagkamatay ng dating pangulo ng bansa na si Corazon C. Aquino. Isang kasaysayan ang nagawa niya kaya isa rin ako sa nagdadalamhati at nakikiisa sa pagkawala ng ina ng bayan na nagbukas ng demokrasya ng bansa. Habang pinapanood ko sa telebisyon ang burol ng pangulong Cory aquino ay hindi ko mapigilan na tumulo ang aking luha lalo na sa kanyang sinabi at panalangin na nag papasalamat siya sa panginoon na siya ay nagging Pilipino. Sa paghatid sa huling hantungan ni dating pangulong Cory sa manila memorial, bumuhos ang luha ng sambayanan sabay buhos ng agos ng ulan saang mang parte ng bansa. Kumbaga, ang panahon ay nakikiisa rin at nakikisimpatya.
Pero ang mga tao ay hindi natinag sa buhos ng ulan dahil ayon sa kanila ay isa lamang itong maliit na sakrispisyo para sa namayapang pangulo na dinaluhan ng mga matataas na opisyales ng bansa, bukod sa pamilya at mga kamag anak at kaibigan.
Pati ang ibang bansa ay nagpadala ng kanilang mga representatives upang maipaabot sa pamilya Aquino at mga Pilipino na sila rin ay nakikiisa sa araw ng libing ng pangulong Cory. Marami na ang hindi pinapasok, walang pinipili, mataas man ang katungkulan o kahit anong personalidad na kilala.
Kahit ito pa ay nagbigay rin ng karangalan ng bansa tulad na lamang ng batang singer na si Charice Pempengco. Kararating lang ni Charice mula sa ibang bansa at dumiretso na ito sa Manila Cathedral upang makiramay ngunit sa labas pa lamang ay hinarangan na ang batang singer at ito naman ay naiintindihan ng magaling na singer. Agad namang humingi ng paumanhin ang Black and White Movement leader na si Leah Navarro sa singer at sa ina nito.
Bukod sa bulaklak, bumuhos rin ang kulay dilaw sa buong Metro Manila. Tila tumigil ang oras upang ipakita na nagkakaisa ang buong sambayanan, saan mang sulok na may Pilipino sa mundo.
MARAMI ANG NAGTAAS ng kilay at hindi nila nagustuhan ang pinakita na pagdidikta ng TV host na si Willie Revillame. Hindi ko napanood ang episode na ‘yun kung saan ay nagsalita at nagwawala ang TV host at nananawagan pa sa mga matataas na opisyal ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio on air na tanggalin ang mga footages na isiningit sa show niya kasi nadi-distract daw siya. Kalerke, ha! Masyado na yatang nilamon ng kasikatan si Willie. Alalahanin mo, host ka lang ng Wowowee. Wala kang karapatang magdikta. Isa pa, tinapos man lang sana niya ang segment at off-the-air na kinausap niya ang director na kung maaari ay tanggalin ang inset ni Cory.
Saan kaya siya pupulutin ‘pag napikon ang management ng ABS-CBN? Maniwala ka, Willie, wala nang magtitiyaga sayo kung ganyan ang asal. Wala po akong galit sa ‘yo,Willie. Kung ano ang nakikita ko at napapansin ko sa mga ginagawa mo, sinasabi ko upang kahit papano ay malaman mo na hindi nagustuhan ng karamihan ang ginawa mo. Hindi lang ako ang nakapapansin, marami pang iba. Iba na ang Willie na nakilala ko noon at ngayon. Masyado na mataas ang ihip ng hangin, kesyo mapera at pwede nang makuha at maabot kung ano ang gusto. Hindi kita kinukwestion sa personal mong buhay. Wala kang karapatang magdikta ng sinuman na parang ikaw na ang may-ari ng buong istasyon. Binigyan ka ng sariling programa, dapat pagyamanin mo, hindi dapat abusuhin. Kung tinawagan mo sila bago magsimula ang programa,pero hindi nasunod ay wala ka paring karapatan magsalita at magdikta laban sa pamunuan. Puwede mong idaan sa maayos at hindi sa kung ano man. Alalahanin mo, karapatan ng publiko na malaman ang anong mang nangyari sa dating pangulo.Isa lamang itong tribute ng ABS-CBN na kahit papano ay maiabot nila sa sambayanan ang nagyayari sa paglipat ng labi ng dating pangulo. Dapat respeto ang nangunguna bago dikta. ‘Yun na!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding