NAGBALIK-‘PINAS SI CHARICE Pempengco para i-promote ang second album niyang My Inspiration under Star Records. Super-busy ang international singing sensation sa dami ng commitments sa US. Katunayan nga, nakatakda na siyang mag-recording with David Foster, sisimulan na rin niyang gawin ang first international movie na Alvin and the Chipmunks.
Feeling ni Charice, mas sikat siya sa ibang bansa kaysa rito sa atin. “Siyempre po, nalulungkot ako kasi minsan naiisip ko, kaya nila ako nakilala, dahil nakita nila ako sa Oprah. Nakilala nila ako dahil nakita nila ako sa international show, kakaiba ‘yung feeling. Nand’yan si David (Foster), si Ms. Oprah. Super iba ‘yung feeling, hindi ako makapaniwala, masaya ako pero kung minsan malungkot, nag-iisip.
“Ganoon naman po talaga sila. Ang masasabi ko lang po, sa States kaya sila humanga sa akin kasi maliit ako ang laki-laki ng boses ko. Sa kanila po, iba ‘yung boses nila, ang liliit ng boses. Noong dumating ako at na-discover nila ako, natuwa po sila dahil parang 30 years old ‘yung boses ko. Nasanay na rin po ako dahil alam kong maraming mas sikat sa akin dito. Minsan naisip ko na makita lang ako sa TV, okey na ‘yun. Tapos noong malaman ko, nakilala na ako ng mga Pilipino rito dahil nag-guest ako sa mga international shows. Okey na rin sa akin ‘yun, basta nakilala ako ng mga Pilipino.
Willing ba naman si Charice na talikuran ang pagiging Pilipino maabot lang niya ang stardom sa ibang bansa? “Actually, napag-usapan na namin ni David, nag-usap na kami about that. Kasi po, I’m the first Filipino na hinawakan niya. Noong narinig niya ang boses ko, sabi niya, this is it! You’re the first Asian, first international Asian na ilalabas ko. Natutuwa ako kapag nagpe-perform ako, sinasabi nila from the Philippines. Super-proud si David kapag sinasabi ‘yun, parang iniisip niya na ang layo ng pinanggalingan ko para lang mag-perform. Para sa akin, si Ms. Oprah, natutuwa siya nagpe-perform ako sa show niya, ibang lahi. Feeling ko, mas proud pa sila dahil nagbibigay ako ng karangalan sa bansa nila, pero hindi ako American kaya gusto akong i-package ni David Foster “First International Asian.”
Ano naman ‘yung pagiging mommy ni Ms. Oprah kay Charice? “Nararamdaman ko parang anak na ang turing sa akin ni Ms. Oprah. Napaka-sweet kapag tinatawag niya ako, hihilahin niya ako, little girl, yayakapin niya ako. Super, super touch ako. Sa akin noong nag-shoot kami ng Oprah, hinila niya ako, dinala niya ako sa backstage na kami lang dalawa. Niyakap niya ako at umiiyak kaming dalawa kasi iri-release ko na ‘yung single ko na ipalalabas sa May 18. Sabi niya, this is your big day, after nito mapapanood ng buong mundo – your totally a big star! Umiiyak na ako sa kanya, si David Foster naman nag-joke sa kanya, “Don’t make her cry Oprah, come on!”
Kung sakaling pakantahin si Charice ng National Anthem sa laban ni Manny Pacquiao, okey lang kaya sa kanya? “Okey lang po pero natatakot ako. I-try ko ang best ko. Kasi, nag-sent na po ako ng letter, hindi ko po alam. Ngayon naman nabalitaan ko ‘yung kay Sir Martin (Nievera) na parang mabagal. Invite nila ako, okey lang. Basta sabihin lang po kung ano ‘yung tamang tiyempo para magawa ko nang tama, susunod lang po ako. Siyempre, singer po ako, kung ano ang sabihin nila, kung hindi ko sila sundin baka magalit sila sa akin.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield