TINANGHAL na best actress si Charo Santos-Concio sa katatapos lang na 47th Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal na ginanap sa Samsung Hall ng SM Aura Mall nitong Lunes ng gabi, December 27. Nanalo si Charo para sa role niya sa pelikulang Kun Maupay Man It Panahon.
Si Christian Bables naman ng pelikulang Big Night ang nanalong best picture. Kalaban ni Christian sa naturang kategorya sina Dingdong Dantes ng A Hard Day at Daniel Padilla ng Kun Maupay Man It Panahon na ginawaran naman ng Special Jury Prize ng MMFF Executive Committee dahil sa kanyang karakter sa pelikula.
Hindi nakadalo si Charo sa naturang awards night dahil inaalagaan niya sa ospital ang asawang si Cesar Concio na sumailalim sa isang medical procedure.
Wagi namang best supporting actor si John Arcilla para sa Big Night kung saan nakalaban din niya ang sarili para naman bilang kontrabida ni Dingdong sa A Hard Day.
No-show din si John sa awards night dahil takot pa rin siyang magpunta sa maraming tao. Nag-iingat lang daw siya sa covid-19 na ikinamatay ng mga mahal niya sa buhay.
Ang baguhang si Rans Rifol naman ang nanalong best supporting actress para din sa pelikulang Kun Maupay Man It Panahon. Ito ang kanyang kauna-unahang pelikula at una ring acting award.
Nakalaban ni Rans sa naturang kategorya ang mga beteranong actress na sina Eugene Domingo at Janice de Belen na parehong nominado sa pelikulang Big Night.
Pagdating naman sa special awards, ang Ang A Hard Day ng Viva Films ang ginawaran ng Fernando Poe Jr. Memorial Award for Excellence. Ang Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award ay ibinigay naman sa Kun Maupay Man It Panahon. Tinanggap naman ng veteran actress na si Rosa Rosal represented by her daughter Toni Rose Gayda ang Marichu Vera Perez Memorial Award.
Ang Big Night na isang socio-political movie tungkol sa isang beautician na biglang napasama sa drug watch list ang napiling Best Picture ng MMFF. Nanalo ring best director at Best Screenplay si Jun Robles Lana para sa naturang pelikula.
Second Best Picture naman ang Kun Maupay Man It Panahon at Third Best Picture ang A Hard Day.
Narito ang listahan ng 47th MMFF winners:
Best Picture: Big Night!
Second Best Picture: Kun Maupay Man It Panahon
Third Best Picture: A Hard Day
Best Actor: Christian Bables (Big Night!)
Best Actress: Charo Santos (Kun Maupay Man It Panahon)
Best Supporting Actor: John Arcilla (Big Night!)
Best Supporting Actress: Rans Rifol (Kun Maupay Man It Panahon)
Jury Prize Award: Daniel Padilla (Kun Maupay Man It Panahon)
Best Director: Jun Robles Lana (Big Night!)
Best Screenplay: Jun Robles Lana (Big Night!)
Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award: Kun Maupay Man It Panahon
Gender Sensitivity Award: Big Night!
Best Cinematography: Carlo Canlas Mendoza (Big Night!)
Best Editing: Lawrence Fajardo (A Hard Day)
Best Production Design: Juan Manuel Alcazaren (Kun Maupay Man It Panahon)
Best Visual Effects: Mofac Creative Works, Hue Media Quantum Post, Ogie Tiglao (Kun Maupay Man It Panahon)
Best Original Theme Song: “Umulan Man O Umaraw” (Huling Ulan Sa Tag-Araw)
Best Musical Score: Teresa Barrozo (Big Night!)
Best Sound: Albert Michael Idioma (A Hard Day)
Best Float: Huwag Kang Lalabas
Naging host ng Gabi ng Parangal na napanood din sa official Facebook page ng Metro Manila Film Festival si Giselle Sanchez.