NAKALOLOKA NAMAN ‘yung isyu ngayon sa musical play na Bituing Walang Ningning na inirereklamo raw ni Cherie Gil dahil sa intellectual property raw niya ang linyang “You’re nothing but a second rate trying hard, copycat!”
Iyan ang sumikat na linya sa pelikulang Bituing Walang Ningning ni Sharon Cuneta, at ngayon ay ginawa nang musical play ng Viva Films. At siyempre ‘yun ang ginamit sa promo nito dahil ‘yan naman talaga ang ibinebenta sa musical play na ‘yan.
Nag-isyu pala ng Cease and Desist Letter ang legal counsel ni Cherie na si Atty. Lorna Kapunan sa Viva dahil nga sa reklamong ito ni Cherie.
Gusto ni Cherie na ipa-TRO o Temporary Restraining Order itong musical play na Bituing Walang Ningning dahil nga sa kanya raw ang linyang iyon.
Ang unang nag-react siyempre, ang direktor ng pelikula na si Direk Maning Borlaza.
Tandang-tanda raw niyang mula ‘yun a script ni Orlando Nadres at na-deliver lang ni Cherie nang bonggang-bongga. Hindi naman ibig sabihin sa ‘yo na agad ‘yun. Siyempre nasa script daw ‘yun.
Itong Bituing Walang Ningning ay hango sa nobela ni Nerissa Cabral, kaya wala raw ‘yun sa ideya ni Cherie.
Hindi pa yata nakausap si Cherie o kahit ang lawyer niyang si Atty. Kapunan, kaya ewan ko kung seryoso sila sa kanilang ihahaing reklamo. Nasa ibang bansa pa yata si Atty. Kapunan kaya wala pa silang statement kung naisampa na ang kaso.
Tingnan na lang natin kung saan ‘to tutuloy at baka mamaya gimmick lang ito para mapag-usapan lang at lalong ma-curious ang mga tao sa musical play na ito.
Ang pamangkin ko nga kulit nang kulit ng tickets para manood sa Resorts World.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis