BINALIKAN at ibinahagi din ni Cherry Pie Picache ang mga panahong nagsisimula pa lang si Coco Martin bilang talent nung nakasama niya ito sa isang pelikula. Noon daw ay nakita na niya kung gaano ka hard working ang aktor.
“Nakasama ko noon si Coco sa isang indie film, yung Foster Child. Alam nyo ba kung gaano siya kasipag? Noon pa man sobrang sipag niya na.
“Kasi magsisimula kami ng alas siyete ng umaga. Magsusyuting at matatapos kami gabi na. Si Coco andudon lang sa isang tabi, kakilala na namin siya.
“Sabi ko, ‘Co, anong ginagawa mo diyan?’ Ate Pie pa nga ang tawag niya sa akin noon. Ang sagot niya, ‘Naghihintay lang ako baka may kailangan ng talent o ano, maglalakad, basta nandito lang ako.’ Hindi siya talaga umaalis.
“Kaya noon pa man sobrang hard working na yan.. Sabi ko, ang sipag-sipag mo naman, anong pangarap mo? ‘Wala… pangarap ko lang medyo makaahon, matulungan ang pamilya ko, ganito ganyan,’ pagre-recall ng aktres.
“Tapos ngayon, di ba? So, do’n mo masasabi na ang Diyos talagang… di ba, yung blessings niya talagang hindi niya ipagkakait. Nasa tao ang gawa nasa Diyos ang awa. Kasi siya very hard working at yung gift na binigay sa kanya pinagtatrabahuhan niya, so where he is now he deserves it,” pahayag ni Cherry Pie.
Gaganap si Cherry Pie bilang older version ng character ni Miles Ocampo sa Batang Quiapo na pinagbibidahan ni Coco na co-director at co-producer din ng programa.