Cheryl Cosim, kakasuhan na ang nanutok ng baril sa kanya – Cristy Fermin

ISA SA MGA pambatong newscaster ng bulwagang-pambalitaan ng ABS-CBN si Cheryl Cosim. Halos sa istasyon na nakatira si Yeng dahil pagkatapos ng kanyang mga programa sa ANC at sa DZMM ay kailangan pa rin niyang manatili sa news room para sa breaking news ng istasyon.

Kung mahaba-habang panahon ang kailangan niyang hintayin bago siya umere ay umiistambay lang muna siya sa dressing room, nagnanakaw ng pahinga, dahil para siyang doktor na on call palagi.

Napakasimple ni Cheryl, palibhasa’y lumaki siya sa probinsiya (Calasiao, Pangasinan), pero nasa kasimplehan niyang ‘yun ang kanyang kagandahan.

Ikinasal si Yeng ilang buwan na ang nakararaan sa isang Pinoy businessman sa California. Pribado ang kasalan dahil mga kapamilya at mga piling-piling kaibigan lang nila ni John ang dumalo.

[ad#post-ad-box]

Tagapagbalita si Cheryl Cosim, pero ngayon ay siya ang nasa gitna ng balita. May nakaengkuwentro silang kotse sa kahabaan ng Visayas Avenue nu’ng Lunes nang hapon habang bumibiyahe sila pauwi ng kanyang mga kasama.

Matapang at mabilis kumilos ang lalaking nakasakay sa isang itim na Cefiro, hinarang sila nito, saka tinutukan ng baril. Hindi bumaba si Cheryl at ang kanyang mga kasama kahit pa pilit silang pinabababa ng lalaki, mahirap na nga naman, sa mga panahong ito na kahit tindahan ng Rolex sa isang abala at mataong mall ay pinapasok ng mga magnanakaw.

Galit na galit ang lalaki, ayon kay Yeng, habang nakatutok ang baril nito sa kanila. Nakuha nila ang plate number ng sasakyan, agad na nag-report ang newscaster sa pulisya. Natunton na ngayon ng mga otoridad kung sino ang may-ari ng sasakyan at kung saan ito nakatira sa pamamagitan ng mga dokumento ng sasakyan sa LTO.

Napag-alaman ng mga pulis na maraming baril ang nakapangalan sa lalaki. Pero ang masaklap lang, hindi pa nare-renew ang mga papeles ng mga armas ng lalaki.

Pinuntahan na ito ng mga pulis sa address na nakalagay sa rehistro ng kanyang sasakyan at mga armas. Pero ayon sa mga dinatnan du’n ng mga otoridad ay matagal na raw na hindi umuuwi du’n ang lalaki.

LAGING MAY KATAPAT at kasukat ang mga taong hindi marunong humawak ng kanilang emosyon. Abusado, sa madaling salita, dahil sapat bang dahilan ang paggitgitan sa kalye para manutok ng baril ang isang tao?

Ipagpalagay nang nagkagirian sila sa kalye, sabihin na nating ginawa nilang race track ang kalsada para sa kanilang pagkakarera. Kahit katiting na katwiran ay wala pa ring maibibigay ang lalaki para idepensa ang kanyang sarili sa ginawa nitong pagbunot at panunutok ng baril.

Sa isang edukado at makataong lipunan ay hindi hinihingi ang karahasan. Kahit saang korte iharap ang magkabilang panig ay siguradong maghahanda na lang ng pampiyansa ang nakaengkuwentro nina Cheryl, dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na maling-mali ang ginawa nito.

Mabuti na lang at mabilis ang presensiya ni Cheryl sa pagdedesisyon. Siguro nga’y isa siya sa nakapagbalita ng mga insidente ng barilan na nagaganap sa kalye dahil sa trapiko, kaya hindi na sila bumaba pa ng kanilang sasakyan.

Hindi alam ng nagmamaneho ng sasakyan na si Cheryl Cosim ang pasahero ng sasakyang halos banggain na nito. Pero kilala mang personalidad o hindi ang sangkot sa usapin, wala pa ring karapatang manutok ng baril ang lalaki.

Seryoso si Cheryl Cosim sa kasong isasampa niya laban sa lalaki. Anumang oras ngayon ay pormal na siyang maghahain ng reklamo. Kaisa kami ng newscaster sa hangaring makapagbigay ng leksiyon sa mga motoristang kapos na kapos sa respeto sa kanilang kapwa.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleParazzi Chikka: Wendy Valdez, naglaslas?!
Next articleIgi Boy Muhlach, anak ni Janice de Belen, nag-asawa na!

No posts to display