PAGKATAPOS BA NG pakikipag-usap ni Pangulong P-Noy kay Presidente Obama, Chickenjoy na ang ating almusal? Napaka-estupidong tanong ni Mang Igme, isang tricycle driver.
‘Di natin siya masisisi. Nakaraang araw, laman ng buong pahayagan at radyo/TV ang diumano’y matagumpay na biyahe ni P-Noy sa US. Milyong dollar investments ang pasalubong sa bayan. At iba pang mga paper benefits sa ating ekonomiya.
Subalit habol ni Mang Igme. Ang mga investments at benefits kelan magtri-trickle down sa ating kabuhayan at hapag-kainan? Bawat pangulo ay nagbibiyahe sa buong mundo, bitbit-bitbit pagdating ang diumano’y mga bonanza sa ibang bayan. Ngunit ‘pag wala na sa balita, ‘di malaman kung nasaan o anong nangyari sa mga ito. Hanggang ngayo’y pobreng bansa pa tayo.
Pagdating sa dulo, katuwiran naman ni Aling Emma, sa ating sariling kakayahan at resources pa rin tayo dapat umasa. Ang mga bansa, mahirap at mayaman, ay may kanya-kanyang agenda. Ang pansariling agenda. ‘Wag tayong pauuto o palilinlang. Lahat ng biyaya ay may kapalit na biyaya. Or I scratch your back, you scratch my back. ‘Yan ang kalakaran sa mundo.
Kaya ‘di dapat magpadalus-dalos sa katuwaan si P-Noy. Ang pag-unlad natin ay nakasalalay sa kanyang liderato at sa makukuha niyang tulong sa mamamayan. Ito naman ang diin ni Ka Bert, buko vendor.
Walandyu! Matatalino pa ang maliliit na taong ito sa iba nating lider. Kasama na d’yan si P-Noy.
At ang Chickenjoy sa hapag? Ibalik ang Tuyo, Kamatis at Bagoong. Samahan mo na ng Kangkong.
HUMAHAGIBIS, SUMISIPOL, TUMITILI, humahambalos at naghuhumiyaw ang mga hanging dala ni typhoon Pedring habang sinusulat ko ang pitak na ito. Signal No. 3 sa Metro Manila. Everything is at a standstill. Opisina, klase at iba pang aktibidades kanselado. Nangu-nguyakoy sa bahay. At naghihintay ng kung anuman.
Ang galit ng kalikasan sana’y ma-ging leksyon lagi sa ating buhay. Walang mayaman, walang mahirap. Tila ba ito ay pagpaparamdam ng Diyos na Siya ang Panginoon ng lahat ng bagay. At ang ating mga plano o binabalak ay mangyayari lamang sa Kanyang kapahintulutan. Sana tayo’y magising sa ating kahinaan. Iwaksi ang pagmamayabang at pagdadamot sa kapwa. Ang sakripisyo para sa ibang mga tao, lalo na sa mahihirap.
SAMUT-SAMOT
ANG ARMAGEDDON NG climate change ay nasa planeta na. ‘Pag hindi gigising ang mundo sa katotohanan, kaawa-awa at kahindik-hindik ang magiging buhay ng susunod na henerasyon. Sobra nang nilapastangan natin ang kalikasan. What we sow, we reap. Wala tayong masisisi kundi ang ating kapabayaan at kapalaluan.
NAGING MABILIS AT malupit ang tinatawag na karma sa mag-asawang Mike at Gloria Arroyo. Parehong may malubhang sakit. Parehong dinuduraan sa galit. Parehong ‘di makatingin sa salamin. O makatulog nang mahimbing.
Sabi ng iba, sana nasa una ang pagsisisi. Halos isang dekada silang namahala sa bayan na ‘di nila sinuklian ng matapat at malinis na paglilingkod. Wala na yatang katapusan ang paglabas ng mga kalansay ng kanilang corruption.
Quotes
During my homily at the TV Mass one Christmas Eve, I saw a mother cuddling her baby in her arms outside the studio. I asked the camera man to focus on them to bring out the message that at Christmas, many of us are celebrating, but Mary and Jesus are shut out of our hearts, our homes, and our nation. I brought them inside the studio, with the cameras rolling, and asked the mother why they were outside? The mother said: “Because the baby was noisy.”
How many times have we shut out people, and even God Himself, from our hearts and from our lives precisely because they disturb us and they are “noisy”?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez