Chief Justice Andres Narvasa

MATINDING KALUNGKUTAN ang bumalot sa hanay ng hudikatura at legal na komunidad sa pagpanaw ni dating Chief Justice Andres Narvasa. Nakiramay ang buong bayan at maging ang mga pinakamatataas na opisyal ng gobyerno sa pagkawala ng isang luminaryo sa batas at kilalang mabuting tao. Binigyang-parangal din siya ng kapwa dating Chief Justice Hilario Davide, Jr. at ng mismong kasalukuyang Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ayon sa kanila, mananatiling buhay sa puso ng mga Pilipino si Chief Justice Narvasa dahil isa siyang taong may dignidad, katapatan, at mababang-loob.

ISA AKO sa mga mapapalad na nakasama at nakadaupang-palad si Chief Justice Narvasa. Mahigit limang taon din akong nagtrabaho sa Law Firm na Fortun Narvasa & Salazar kung saan kabilang din si Chief Justice Narvasa. Sa panahon na ito, maraming pagkakataon na nagkakaroon agad ng magandang palagay at impresyon ang aking mga nakahaharap tuwing masisilip ang “Narvasa” sa aking calling card o sa mga panghukumang dokumento. Dito ko rin nalaman na mahal na mahal ng mga kawani ng mga korte si Chief Justice Narvasa dahil sa kanyang naging pamamalakad sa Korte Suprema.

MAPAGKALOOB, MAPAGBIGAY, at lubos na nauunawaan ni Chief Justice Narvasa ang katayuan ng mga mabababang empleyado ng hudikatura. Ito ang madalas na paglalarawan ng karamihan sa mga matatandang kawani ng mga korte na aking nakauusap. Sa panunungkulan umano ni Chief Justice Narvasa, nakikinabang din maging ang mga pinakamabababang kawani ng hudikatura. Nararamdaman nila ang bunga ng kanilang pagsisikap sa kanilang mga trabaho sa mga insentibo na natatanggap nila na nakadaragdag sa kanilang mga maliliit na suweldo. “Walang pinipili si Chief Justice Narvasa, pantay-pantay ang tingin niya sa mga justices, judges, mga abogado, stenographer, at clerks, lahat may bonus,” dagdag pa ng isang matandang kawani ng hudikatura.

MARAMI ANG umaangal sa problemadong sistema ng hustisya rito sa ating bansa. Ngunit malinaw na malaki ang magiging pagbabago kung ang mga mamumuno sa hudikatura ay kagaya ng yumaong si Chief Justice Narvasa. Alam ng lahat ng kanyang mga nakasama na hindi nagkaroon ng kahit na anong interes sa pera ng hudikatura si Chief Justice Narvasa. Para ito sa mga lahat ng empleyado. Batid niya na kailangang bigyan ng dignidad ang lahat ng kawani ng hudikatura sa pamamagitan ng pagbibigay-pabuya sa kanilang mga paghihirap.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articlePDA naman d’yan!
Next articleTom Rodriguez, ‘di na ‘one of those’

No posts to display