INIYAKAN NG BEAUTY expert na si Mother Ricky Reyes noon ang balitang inihatid sa kanya na tinatapos na ng PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office) ang pamamalagi ng mga cancer patients sa itinatag at inayos na CHILD Haus (Children’s Health Intelligence Life Development House)ni Mother Ricky at ng kanyang kapatid na si Les Reyes doon sa likod ng Quezon Institute.
Hindi malaman ni Mother Ricky kung ano ang magiging reaksyon nila nang makarating na sa kanya ang advisory na ipinasasara ng PCSO ang nasabing shelter at ang eviction ng mga may sakit na bata sa nasabIng half-way house ng mga pasyenteng walang tahanan dito sa Maynila na nagmumula sa iba’t ibang lalawigan. Agad-agad na pinaghanap si Mother Ricky ng mapaglalagyan sa nasabing mga pasyente, on or before July 31, 2011.
Kaya noong August 8, 2011, nailipat na ang mga batang pasyente sa bagong site ng CHILD Haus sa Ofelia Village sa Project 8, Quezon City. Kung saan magkakaroon na ng panibagong ‘mansion’ sa two-storey residence nila.
Sabi nga ni Mother Ricky, isang different kind of battle ang sinalangan niya kasama ang mga may ginintuang pusong sponsors para ipagpatuloy ang advocacy na si-nimulan ni Mother Ricky at ng kapatid na si Les na makapagbigay ng pansamantalang tirahan sa mga batang undergoing treatment for cancer at iba pang ailments.
Sinagot ng Diyos ang dasal ni Mother Ricky, Les sampu ng mga magulang ng mga batang inaalagaan ng CHILD Haus na itinatag noong 1998.
At maganda na rin sigurong inilagay ng Diyos sa ibang lugar na mas maganda at peaceful ang mga batang inaalagaan sa CHILD Haus, at hindi na madaanan ng ‘masamang hanging’ nakababad sa lugar na nagpalayas sa kanila!
SA PRESSCON NG pelikula ni Gov. ER Ejercito, agad-agad nitong nai-announce na makakasama sa nasabing pelikula ang Bad Boy ng Philippine Movies na si Robin Padilla.
Kahit na gusto muna ng kanyang publicist na si Jobert Sucaldito to keep it under wraps, dahil baka kailangan pa itong kumpirmahing mabuti, dahil abala pa si Binoe sa kanyang proyekto sa ABS-CBN at baka may iba ring proyekto for Star Cinema, tinangkang salagin ni Jobert ang kumpirmado nang pananalita ni Governor ER.
Pero idiniin ni ER na personal nang sumagot sa kanya si Binoe at tinanggap na nga ang pagganap sa katauhan ng bayaning si Andres Bonifacio. Ang isa pang binanggit ni ER na makakasama rin sa nasabing proyekto eh, si Ryan Agoncillo.
“Ang sa amin naman, nakakataba ng pusong malamang marami sa ating kapwa artista ang gustong maging bahagi ng proyekto. At ang makapag-bigay pa kami ng hanapbuhay sa maraming kapatid natin sa hanapbuhay.”
Na magandang intensyon nga. Pero bilang isang Noranian, base na rin sa nasasagap naming reaksyon ng ilang mga artistang nakaharap namin, iisa ang tinutumbok. Gusto nilang makasama kahit nga lang sa isang eksena lang ang nagbabalik na Superstar!
The Pillar
by Pilar Mateo