BREAK NG isang taping ng isang daily soap naganap ang buong-pagmamalasakit na paninita ng isang beteranong aktres sa isang child wonder. “Oh my God, anak, huwag mong paglaruan ‘yan, baka madisgrasya ka!” sabi ng nakatatandang aktres sa bagets na nahuli niyang naglalaro ng kable ng mga kamerang nakapalibot sa kanilang pinagteteypingan.
Any moment nga naman, baka hilahin ang mga kableng ‘yon sa change of location, kung nagkataong pinaglalaruan nga naman ‘yon ng bagets ay posibleng mabuwal siya o madaplisan ng hagupit nito.
Tumingin lang daw ang bagets sa babalang ‘yon sa kanya, sabay sabing, “Tita, bad ‘yon.” Takang-taka naman ang veteran actress kung anong “bad” ang tinutukoy ng child wonder. “Bakit, anak, what did I say?” Sagot ng bagets, “‘Di ba, bad ‘yung sinabi mo na ‘Oh, my God!’”
Depensa naman agad ng beteranong aktres, “Anak, ‘di ‘yon bad. Expression lang ‘yon kapag nagulat ang isang tao. Kapag Tinagalog mo ‘yon, it means ‘Diyos ko!’ So, walang bad du’n.” Sa puntong ‘yon ay medyo nauunawaan na raw ng murang kaisipan ng bagets ang kahulugan ng mga katagang ‘yon, but like any inquisitive child ay tinanong nito ang matandang kausap, “Tita, para din po bang expression ‘yon na, ‘What the fuck’?”
Naloka si Tita sa tinuran ng bagita!
(By Ronnie Carrasco III)